WALA PONG “SILENT DEFENDER”

 

Paumanhin po kung sa pamagat pa lamang ay parang nakakainsulto na sa maraming “defenders” ang sulat kong ito. Alam po ng Ama na hindi ito ang nilalayon ko sapagkat ang dati ko ring paniniwala ay isa akong “silent defender.” Sana po ay maipublish ito sa incdefenders.org at pagtiyagaang basahin ng mga kapatid.

Noong una po ay nagbabasa lamang ako ng mga nasa social media at nakikiramdam lamang sa mga nangyayari. Ang mga magulang ko na diakono at diakonesa at ang kapatid kong mang-aawit ay panay ang paala-ala sa akin na baka raw maapektuhan ang aking pananampalataya. Sa simula ay pilit kong ipinagtatanggol ang Pamamahala at nagkakaroon ako ng guilty conscience kapag nakapag-iisip po ako ng hindi maganda tungkol sa kanila. Hindi po ako abogado at lalong hindi ako judge, subalit nang timbangin kong mabuti ang sinasabi ng magkabilang panig at ihambing sa mga nakikita at naririnig ko ay napatunayan ko na marami ngang dapat mabago sa Iglesia. Ang isang naging napakalaking katanungan sa isipan ko ay bakit hindi malutas ng Pamamahala ang mga problema samantalang sinasampalatayanan natin na sila ang kasangkapan ng Diyos at may patnubay ng Ama at ng Panginoong Jesus upang maisaayos ang Iglesia? Noong una po ay halos manginig ang aking buong katawan dahil sa takot na ang naiisip ko ay isang malaking kasalanan sa Diyos lalo na kapag nagsisisigaw na ang mga ministro sa pagsamba. Nagsimula na rin po na aking marinig sa usapan ng marami sa aming lokal sa Distrito ng Central na sila ay mga “silent defenders.”

Isa pong ministro na malapit sa aming pamilya ang aking tinanong kung narinig na niya ang tungkol sa Silent Defenders? Tinitigan muna niya akong mabuti na para bagang sinusuri niya kung ano ang dahilan at ako ay nagtatanong. Kinabahan ako kaya nasabi ko na lang, na hindi na po bale at narinig ko lang sa iba. Nabakas ko sa kaniyang mukha ang kalungkutan at nabigla na lang ako nang sabihin niya na karamihan sa mga ministro at mga manggagawa ay mga silent defenders. Pagkatapos ay tumingin muna siya sa paligid na parang tinitiyak na walang ibang makaririnig sa kaniya at sinabi sa akin ang ganito: Ang silent defenders ay ang mga kapatid na laban sa mga kasamaang ginagawa ng masasamang ministro sa Iglesia subalit nananahimik lang dahil ayaw nilang matiwalag, tulad din naman naming mga ministro na ayaw mawalan ng karapatan dahil bukod sa walang matutuluyan at pagkukunan ng kabuhayan ay kanila pang tutugisin gaya ng ginawa nila kay ka Jun. Marahil po ang tintutukoy niya ay ang nangyari kay ka Isiah Samson). Tatapatin ko po kayo. Hindi ko po malaman kung maaawa o maiinis ako sa sinabi niya. Akala ko po kasi, ang mga ministro ay inuuna ang kapakanan ng Iglesia kaysa pansarili. Gayon pa man, dahil sa kaniyang paliwanag, ay itinuring ko na rin ang sarili ko na isang “silent defender.”

May mga gabi po na hindi ako mapagkatulog sa kaiisip sa mga nangyayari sa Iglesia at ang lagi ko na lang ginagawa ay iluha ang mga ito sa Diyos. Iniisip ko kung papaano ako makatutulong sa paglutas sa problema? Sapat ba na ako ay silent defender? Dito ko po biglang naisip na may kontradiksiyon sa dalawang salita, defender pero silent. Ibig sabihin walang sinasabi at lalong masama, walang ginagawa. Naisip ko na kaya hindi nalulutas ang problema ay dahil minarapat ng karamihan maging ng mga iginagalang at minamahal nating mga ministro na manahimik na lamang sa halip na ihayag at ipadama sa Pamamahala ang tunay nilang nalalaman at nararamdaman. Naisip ko rin po na ang pananahimik ng marami ay katumbas ng pagkunsiti sa mga masasamang nangyayari sa Iglesia. Na ang mga silent ay hindi tunay na defender o hindi tunay na dinidipensahan ang Iglesia. (HINDI PO KASAMA RITO ANG MGA DEFENDERS NA MAY MGA GINAGAWA NA AT TUMUTULONG SA MGA KAPUWA DEFENDERS, AT KAYA LANG HINDI PA NAGPAPAKILALA AY DAHIL HINDI PA SILA NATITIWALAG).

 

Wala man po akong karapatan dahil ngayon pa lang ako lalabas ng lubusan bilang isang tunay na Defender ay bayaan niyo po na sabihin ko na mas mabuti na rin ang silent defender o walang sinasabi o ginagawa kaysa naman sa mga naturingan ngang “Open Defenders” subalit “Offenders” naman sa ibang mga defenders at ang nagagawa ay kasiraan sa kilusan gaya po ng mga nababasa ko lately.

Sana po ang sulat kong ito kung mai-post ay maging simula ng aking pagiging tunay na defender at makatulong rin sa pag-antig sa damdamin ng ibang tulad ko na nag-aakalang kami’y defender kahit pa kami silent. Marami pong salamat sa pagbibigay-pansin sa aba kong liham.

Isa pong maytungkulin sa KADIWA sa lokal ng Central, Distrito ng Central

 

 

Pin It on Pinterest

Shares
Share This

Please Share This

Share this post with your friends!