Ang taong ayaw magbago ay hindi maliligtas. Ang hindi makinig ng payo ay mapapahamak. Kapag matuwid ang namamahala, nagsasaya ang madla. Ngunit matamlay ang bayan kung ang pinuno ay masama (Kaw. 29:1-2).

PANAWAGAN SA LAHAT NG MGA KAPATID

 

Pinakahahangad ng lahat, maging sila man ay mga offender, defender, o depende, na makitang ang Iglesia ay makabalik sa maayos, payapa at maluwalhating kalagayan. Ikinahihiya nating lahat ang mga nangyayari ngayon na eskandalo sa Iglesia. Dati-rati ay taas-noo tayong nakapaglalakad at nakahaharap sa kaninuman at sabihing tayo ay mga kaanib sa Iglesia ni Cristo, subalit ngayon kapag napag-uusapan ang Iglesia ay parang gusto nating tumakbong papalayo at magtago. Noon ay napakasaya nating sumasamba kapiling ng ating mga mahal sa buhay, hindi alintana kung madaling araw pa ay nasa kapilya na tayo, maghapong tumutupad ng iba’t ibang pananagutan, at gabing-gabi nang nakakauwi. Buong kasiglahan rin tayong dumadalo sa iba’t ibang gawain at mga pagpupulong, nasasabik malaman kung ano ang mga mensaheng ating maririnig. Ang mga matatanda na, maging ang mga may mga sakit na kapatid ay maligaya pa ring nagpupumilit na makasama sa mga gawain sa Iglesia. Kapag tayo ay ipinatatawag ng mga ministro, bagamat may kaunting pagtataka, ay nananaig pa rin sa ating isipan na iyon ay dahil sa kanilang pagmamalasakit, na kung tayo ay nanghihina at may suliranin ay kanilang papayuhan, kapag nagkakamali ay sasawayin o itutuwid, at bago lumisan ay ipananalangin sa Diyos.

Napuno Ng Pangamba At Pagkasiphayo

 

Ngayon, napakarami na ng natatakot kapag ipinatatawag ng ministro, nag-aalala na baka sila pinaghihinalaan, kaya sila’y gigipitin, uusigin, tatakutin, at ang lalong masama ay ititiwalag dahil baka may nasabi sila na nabigyan ng maling pakahulugan ng iba na sila ay hindi napasasakop o lumalaban sa Iglesia. Ang mga nakapagtatanong tungkol sa mga kasalukuyang pangyayari ay nilalayuan o iniiwasang kausapin o makasama ng iba sapagkat baka sila rin ay mapaghinalaan at matiwalag. Kapansin-pansin kasi na maramihan at pami-pamilya ang itinitiwalag, at pati ang mga taong malalapit sa kanila ay tinatakot at pinagbabantaan.

Tanong ng isang kasambahay, “Bakit po ako pinaaalis sa mga amo kong natiwalag samantalang halos 25 taon na akong naninilbihan sa kanila at wala nang ibang magbibigay sa akin ng trabaho dahil ako’y matanda na? Paano na ang aking pamilya sa probinsiya?” Ang tanong naman ng isang matandang ina at lola ng mga natiwalag na karanasan din ng marami ay, “Bakit hindi ko na puwedeng kausapin man lamang ang aking anak, manugang at mga apo na natiwalag at bawal na damayan ko sila sa kanilang pangangailangan?” Ang lalong nakadudurog ng puso ay ang tanong ng isang walang muwang na pitong taong gulang sa kaniyang mga magulang nang ang buong pamilya ay matiwalag, “Bakit po pati ako itiniwalag, lagi naman akong umaawit at nag-aabuloy at hindi ako malikot sa pagsamba?

 

Maging ang mga hindi natiwalag at namamalaging sumasamba ay nagtatanong kung bakit sa tuwing sila ay dumadalo, ang naririnig na lang nila ay pawang pagtuligsa at paninira, at maging sa pananalangin ay hindi ang pag-ibig ang kanilang nararamdaman kundi poot at halos sigawan ang Diyos sa pagsasabing “lipulin mo sila,” sa halip na “bigyan mo sila ng pagkakataong makapagbago at makapanumbalik.” Tanong pa ng marami, “Bakit puros abuloy, handog, paglalagak at pananakot ang naririnig sa mga ministrong nangangasiwa ng pagsamba?” Kaya sabi nila, “wala na ni bahagyang kapangyarihan kaming madama sa mga pagsamba.”

Ganito inilarawan ng isang matandang ministro na dating Tagapangasiwa ng Distrito at ngayon ay Tagapagturo sa CEM ang lahat ng hinaing na nabanggit sa itaas: “Ngayon, naglilingkod at tumutupad pa rin tayo ng ating mga tungkulin subalit ang karamihan ay hindi na masaya at wala na rin ang kasiglahan, at ang marami ay napipilitan na lamang.”

 

Narito naman ang malimit itanong ng mga taga-sanglibutan: “Bakit nagkakagulo ang Iglesia at nagbabatuhan ng masasakit, maaanghang at bastos na pananalita ang inyong mga miyembro, at sa halip na pigilan at payapain ng mga ministro ay sila pa ang nangunguna sa pagmumura at paninira sa kapuwa?” Bakit wala kayong ginawa kundi gipitin ang isa’t isa at magdemandahan?” Ang lalong masakit at nagdudulot ng kahihiyan sa Iglesia ay ang kanilang tanong na, “Bakit walang kibo o aksiyon ang inyong Pamamahala sa ikapapayapa ng Iglesia?”

Lahat po ng nabanggit ay nagdudulot sa atin ng hapis at labis na sakit ng kalooban. Bagamat alam natin noon pa man na may mga pagsubok na darating ay hindi natin kailanman naisip na ganito katindi ang pagdaraanan ng Iglesia at nangyayari ang mga ito kung kailan pa ito umabot sa kaniyang ika-100 taong pag-iral na dapat sana ay nasa tugatog ng kaniyang kaningningan. Gusto nating lahat na maayos ang gusot at matapos na ang paghihirap ng Iglesia, upang makapaghanda ang lahat sa nalalapit na kaligtasan, subalit hindi ito mangyayari hangga’t ang Iglesia ay nababalot ng poot, paghihiganti, at iba’t iba pang kasamaan. Totoong ginagawa ng marami ang kanilang makakaya upang malunasan at matapos na ang mga suliranin subalit nakalulungkot na halip na mabawasan ang gulo at mga problema sa Iglesia, ay lalo pa itong dumarami. IISA LAMANG ANG KAHULUGAN NITO: Hindi ang lunas ay ang pagsisiraan, pagsasagutan sa pamamagitan ng social at main stream media, pagdedemandahan, panggigipit, pagtatakip sa kasamaan, pagbubulag-bulagan at pagsasawalang-kibo ng marami, at ang hindi maayos na paglutas sa problema ng mga kinauukulan. Higit sa lahat, ito’y maliwanag na patotoo na walang paggabay ang Diyos sa mga “lumulutas” ng mga suliranin kung totoo man na ang mga ito ay kanilang nilulunasan.

 

Lahat po tayo ay naturuan ng mga aral ng Diyos kaya tayo ay sumasampalataya na ang tanging lunas sa mga suliranin ay ang pagsunod natin sa Kaniyang mga aral. Kaya, bago sana tayo magsisisihan, ay salaminin muna natin ang ating mga sarili gamit ang mga Banal na Kasulatan. Nasusunod ba natin ang mga ipinag-uutos ng Diyos, o napadadala tayo sa galit, at ang lalong masama, sa poot? Ang gusto ba ng Ama ang ating pinahahalagahan, o ang sarili nating gusto? Bago tayo magsalita, magsulat, at gumawa ng anumang hakbang ay alamin muna natin kung ang mga ito ay naaayon sa kalooban ng Ama? Tandaan natin, kahit gaano kaganda ang ating layunin, kung ito’y labag sa kalooban ng Diyos ay hindi makatutulong sa paglutas kundi magpapalubha lamang sa kasalukuyang mga suliranin.

 

Sana po ay pumayapa at manahimik na ang lahat. Huwag nang palubhain pa ang mga nangyayari sapagkat pare-pareho tayong nasasaktan, nagdurusa, at ang lalong masama, ang nasisira ay ang pinakamamahal nating Iglesia. Tigilan na po sana ang panggigipit, pang-uusig, at patuloy na pagsira sa buhay ng iba. Maisip po sana ng lahat na ang pagtitiwalag ang pinakamabigat nang parusa na maaaring igawad sa sinumang kaanib sa Iglesia at hindi na ito dapat dagdagan pa.

 

Ang taong ayaw magbago ay hindi maliligtas. Ang hindi makinig ng payo ay mapapahamak. Kapag matuwid ang namamahala, nagsasaya ang madla. Ngunit matamlay ang bayan kung ang pinuno ay masama” (Kaw. 29:1-2).

 

Ministro ng Ebanghelyo

February 9, 2016

 

 




Pin It on Pinterest

Shares
Share This

Please Share This

Share this post with your friends!