ANG UPAHAN AT WALANG KABULUHANG PASTOL

(Juan 10:12-13 MB; Ezekiel 34:2-6 MB; Zacarias 11:4-6, 17 MB; at Jeremias 8:10, 13 MB)

Ang Iglesia ni Cristo ay inihalintulad sa isang kawan na kinabibilangan ng mga tupa ng Panginoong Jesucristo na ibinigay sa Kaniya ng Ama. Nag-iwan ang Panginoong Jesucristo ng mabuting halimbawa sa marapat na pag-aalaga sa Kaniyang mga tupa. Handang ibigay ng mabuting pastol ang kaniyang buhay para sa mga tupa (Juan 10:14). Sa ‘Talinghaga sa Nawalang Tupa’ ay ipinakita ng Panginoong Jesucristo na ang mabuting pastol ay hindi pumapayag na mawala isa man sa mga tupang ipinagkatiwala sa kaniya ng Ama. Hindi kalooban ng Ama na isa man ay mapahamak sa mga ibinigay Niya sa Panginoong Jesucristo (Mateo 18:12-14 MB; Juan 17:12). Ang diwang ito ang tinaglay at itinaguyod ng kapatid na Felix Y. Manalo at ng kapatid na Erano G. Manalo sa buong panahon ng kanilang pamamahala sa Iglesia noong sila ay nabubuhay pa. Inaasahan din ng Diyos at ng Panginoong Jesucristo sa kasalukuyang Pamamahala katuwang ang mga ministro’t manggagawa na sinupin ang lahat ng mga kapatid sa Iglesia at huwag hayaang mawala o maligaw ang sinuman. Sa talinghaga, ang tinutukoy ng Panginoong Jesucristo na tupang nawala at nang hinanap at nasumpungan ay ibinalik sa kawan ay ang makasalanang nagsisi at nanumbalik sa Panginoon (Lukas 15:7; Isaias 55:7).

Hayag sa mga kapatid sa Iglesia ang bunga ng mabisang pamamahala ng kapatid na Felix Y. Manalo at kapatid na Erano G. Manalo, katuwang ang mga tapat at matitinong mga ministro at mga manggagawa. Dahil sa matiyaga nilang pagtuturo ng mga salita ng Diyos marami ang sumampalataya kaya ang Iglesiang ito ay lumaganap sa buong mundo, naging malakas at naging maimpluwensiya. Kasabay ng pagdami ng mga mananampalatayang kaanib na isinasakabuhayan ang tinanggap na mga aral, ay naging matatag ang kalagayan ng Iglesia sa maraming larangan, maging sa kalagayan ng pananalapi nito. Naunawaan ng mga kaanib ang kahalagahan ng pagsunod sa utos ng Diyos na mag-abuloy at maghandog upang matustusan ang pangangailangan ng Iglesia sa paglilingkod sa Kaniya. Napatunayan din ng mga kapatid ang katapatan ng Sugo at ng Pamamahala sa pagsinop sa pananalapi at sa maayos na paggugol nito, kaya buong pagtatalaga silang tumupad ng utos na ito at hindi sila nanghinayang sa kanilang mga ipinagkakaloob. Ang pagbangon ng marami at magagandang gusaling sambahan at iba pang mga mehoras sa iba’t ibang panig ng daigdig at ang pagpapanatiling maayos ng mga ito ay malinaw na patotoo ng matatag na pananalapi ng Iglesia. Dahil naman sa pakikipagkaisa at disiplinang tinutupad na pawang nakasalig sa Biblia, ang Iglesia ay hinangaan, tiningala, at iginalang maging ng mga namiminuno at maging ng mga hindi kaanib sa Iglesia.

Subali’t bakit dumating sa Iglesia ang yugto na ang tinamasang katatagan ay niyanig ng kasalukuyang krisis? Bakit ang inaning paghanga at paggalang ng Iglesia sa mahabang panahon ay nabahiran ng mga pagkutya at kabi-kabilang puna ng mga tao? Bakit ang matatag na kalagayan ng pananalapi nito ay naging mabuway na rin? Bakit marami ang mga kaanib na nahihiwalay ngayon sa Iglesia? Nawala na ba ang sigasig ng Pamamahala at mga katuwang na mga ministro at mga manggagawa sa pagtuturo ng mga salita ng Diyos? Hindi ba tuluy-tuloy naman ang pagdaraos ng pagsamba dalawang beses sa loob ng isang linggo? Hindi ba dumalas pa nga ang mga tanging pagtitipon? Hindi ba dumalas din ang klase at pagpupulong ng mga Tagapangasiwa ng Distrito upang tanggapin ang mahahalagang lektura at mga napapanahong tagubilin? Hindi ba sunud-sunod pa ang mga pag-oordena sa mga bagong ministro kaya lalong marami ang nagtuturo? Hindi ba napakaraming mga nag-aaral sa pagka-ministro ngayon? Kung pananalapi naman ang pag-uusapan, hindi ba dumalas pa nga ang mga handugan ngayon? Hindi ba mas maraming mga napapabautismuhan ngayon kaya dapat ay mas malakas at matatag ang kalagayan ngIglesia?

Ano ang pinag-ugatan ng krisis sa Iglesia ni Cristo ngayon? Hindi kaya ang mga tagapag-alaga na? Bakit marapat lang na pagtuunan ito ng matamang pagsusuri? Sapagka’t sa Biblia ay may ipinakikilalang mga pastol o tagapag-alaga pero upahan at walang kabuluhan. Kung hindi malalantad at hindi masasawata ang ganitong uri ng mga tagapag-alaga ay tiyak na mapapasapanganib ang kapakanan ng Iglesia. Napapanahong harapin ito upang maagapan nang sa gayon ay hindi tuluyang mapariwara ang Iglesia. Ang mga tunay na nagmamahal at nagmamalasakit sa Iglesia ay hindi kailanman papayag na matulad ang Iglesia sa Israel, ang unang bayan ng Diyos na lubusang natalikod at nawala sa pagiging bayan ng Diyos dahil naging masasama ang kanilang mga propeta at mga saserdote. Sa halip na akayin nila ang bayan sa tamang paraan ng paglilingkod sa Diyos at sa matuwid na pamumuhay, sila pa ang naghatid sa bayan sa pagkapahamak.

Paano ba ipinakilala ng Biblia ang upahan at walang kabuluhang pastol? Sabi ng Panginoong Jesucristo, “Ang upahan ay tumatakas, kapag nakikitang dumarating ang asong-gubat. Iniiwan niya ang mga tupa sa panahon ng panganib palibhasa’y hindi siya pastol at hindi kaniya ang mga tupa. Kaya’t sinisila ng asong-gubat ang mga ito, at pinangangalat. Tumatakas siya palibhasa’y upahan lamang at walang malasakit sa mga tupa. (Juan 10:12-13 MB).

Ganito rin ang ipinasabi ng Diyos kay propeta Ezekiel patungkol sa upahan at walang kabuluhang pastol, “…sarili ninyo ang inyong iniintindi, at hindi ang mga tupa. Iniinom ninyo ang gatas, nagdaramit kayo ng lana, at nagpapatay ng mga pinatabang hayop, nguni’t hindi ninyo pinakakain ang mga tupa. Bakit hindi ninyo pinalalakas ang mga mahihina, ni ginagamot ang mga maysakit, ni hinihilot ang mga pilay? Bakit hindi ninyo hinahanap ang nawawala, ni ibinabalik ang nalalayo? Sa halip ay ginagamitan ninyo sila ng kamay na bakal. Sila’y nangangalat , at nilalapa ng mababangis na hayop pagkat walang pastol. Ang mga tupa ko’y nangangalat sa mga bundok, burol at sa lahat ng panig ng daigdig, nguni’t walang ibig humanap sa kanila (Ezekiel 34:2-6 MB).

Ganito naman ang ipinasabi ng Diyos kay propeta Zacarias tungkol sa kanila? “Pinapatay lamang sila ng nag-aalaga sa kanila nguni’t hindi napaparusahan ang mga ito. Ang karne ay ipinagbibili at pagkatapos ay kanilang sasabihin, ‘Salamat kay Yahweh! Mayaman na tayo ngayon.’ Kawawa ang pastol na walang kabuluhan, at nagpapabaya sa kawan…“ (Zacarias 11:5, 17).

Ipinasabi rin ng Diyos kay propeta Jeremias ang ganito tungkol sa kanila, “…Nandaya pati nga propeta at mga saserdote. Walang kabuluhan sa kanila ang hirap ng aking bayan. Sinasabi nilang ,’Maayos ang lahat,’ subali’t walang kapayapaan. Ikinahihiya ba nila ang kanilang masasamang gawa? Hindi! Hindi na sila marunong mahiya! ( Jeremias 8:11-12 MB)

Batay sa mga pahayag na ito ng Panginoong Jesucristo at ng mga propeta, ang upahan at walang kabuluhang pastol ay tumatakas sa panahon ng panganib, hinahayaan ang mga tupa na mangalat kaya sila ay sinisila ng mga asong-gubat. Hindi ba ang pangyayari kamakailan nang udyukan ng mga ministro at mga manggagawa ang mga kapatid na mag-rally, laban sa diumano’y inhustisiya ng Department of Justice (DOJ), ang isang katuparan nito sa Iglesia? Pagkatapos nilang madala sa lansangan ang mga kapatid para sa diumano’y pagtataguyod ng diwa ng pagkakaisa, sila’y nagpakita at nagpahayag lang ng kanilang paninindigan sa isyu pagkatapos ay iniwan na nila ang mga kapatid sa lansangan. Ang mga kapatid na walang muwang sa talagang nangyayari sa Iglesia na isinakripisyo ang maraming pansariling kapakanan, nagkapuyat-puyat, labis na napagod, nagutom, naulanan at naarawan, at nagkasakit pa nga ang iba. Hindi lang iyon ang nagawa ng mga ministrong ito sa mga kapatid, inilagay din nila sila sa hayag na kahihiyan, dahil hindi naman nila talagang nauunawaan ang ipinakikipaglaban, kaya hindi makasagot ng tama nang mainterview ang ilan. Pinaasa sila na naipagtagumpay ang ginawang pagkilos gayong hindi naman. Nahikayat silang magsaya at magpasalamat pa sa Diyos sa ipinangalandakan nilang tagumpay, gayong kay linaw-linaw naman na ang natamo ay kabiguan. Kung ang pagkilos nilang ito ay nagtagumpay hindi na sana nagkaroon pa ng sermonan o pag-call up pagkatapos sa mga tagapangasiwa at mga destinado na hindi nakapaghakot ng inaasahang bilang na dapat natipon. Hindi lang iyon, hindi ba ang pag-aanyaya at pagpapahintulot nilang magsalita ang mga kilalang mga kritiko ng kasalukuyang pamamahalaan ay katumbas rin na pinabayaan ng mga ministrong ito na ang mga kapatid ay matangay ng kritikal nilang paninindigan laban sa pamahalaan? Hindi ba dahil sa naging pagkilos na ito ang Iglesia ngayon ay naging tampulan ng pagkutya at pagpuna ng maraming tao sa lipunan? Pagmamahal at pagmamalasakit ba sa Iglesia ang inihayag ng ginawang ito ng mga ministro’t manggagawa? Natupad sa kanila ang sinasabi ng Biblia na, “…Nandaya pati nga propeta at mga saserdote. Walang kabuluhan sa kanila ang hirap ng aking bayan. Sinasabi nilang ,’Maayos ang lahat,’ subali’t walang kapayapaan. Ikinahihiya ba nila ang kanilang masasamang gawa? Hindi! Hindi na sila marunong mahiya!” ( Jeremias 8:11-12 MB).

Ang upahan at walang kabuluhang pastol ay hindi hinahanap ang nawawala at hindi ibinabalik ang nalalayo sapagka’t ang sarili nila ang kanilang iniintindi at hindi ang kawan. Kailan nangyari sa kasaysayan ng Iglesia ang nangyayari ngayon na sunud-sunod at maramihang pagtitiwalag na hindi man lamang mabakas ang panghihinayang at pagdaramdam sa mga nagtitiwalag? Sino ba ang mga walang patumanggang itinitiwalag ngayon sa Iglesia? Sila ba iyong sinasabi ng Biblia na masasamang kasamahan na dapat itiwalag sa Iglesia (I Corinto 5:13 MB), na mga nabubuhay sa kasalanan at ayaw magbagong-buhay sa kabila ng pagpapayo at pagsaway (Oseas 13:13-14 MB)? Hindi, kundi mga kapatid na nagsisikap na magpakatuwid, kaya nga pumupuna o tumutuligsa sa mga katiwaliang nasusumpungan nilang nangyayari sa Iglesia. Subali’t dahil sa kapangyarihang taglay ng mga ministrong ito sa Iglesia, ang mga naghahayag pa ng mga katiwalian ang naipatitiwalag, hindi lamang naipatitiwalag kundi ginigipit at tinutugis pa. Maging ang mga kamag-anak ng mga itinitiwalag at ang mga nakikisimpatiya sa kanila ay ipinatatawag o kaya ay pinupuntahan, binababalaan at tinatakot , na sila man ay ititiwalag din kung sila ay tutulong at patuloy na makikipag-ugnayan sa mga itiniwalag na. Hindi ba ito iyong sinasabi ng Biblia na, “… ginagamitan ng mga upahang pastol ng kamay na bakal ang mga tupa kaysa sila nangangalat?” (Ezekiel 34:4 MB). “Pinapatay lamang sila ng nag-aalaga sa kanila nguni’t hindi napaparusahan ang mga ito” (Zacarias 11:5 MB).

Ang upahan at walang kabuluhang pastol ayon sa Biblia ay pinapatay ang mga pinatabang hayop, binubusog ang kanilang sarili, nagdaramit ng lana at ipinagbibili ang karne pagkatapos ay sasabihing ‘Salamat kay Yahweh! Mayaman na tayo ngayon’ (Ezekiel 34:3, 10 MB, at Zacarias 11:5 MB). Hindi ba sila iyong mga ministro ngayon sa Iglesia na ginagamit ang tungkulin upang matamo ang pansariling kapakinabangan, nagsasamantala o nagmomolestiya sa mga kapatid upang tustusan ang maluhong pamumuhay ng kanilang pamilya? Kaya ang gustong-gusto nilang dalawin at pakisamahan ay ang mga kapatid na may kaya sa buhay. Hindi ba sila iyong ginagamit ang pangalan ng Iglesia upang makapanghingi ng pabor sa Gobyerno para rin sa pansariling kapakanan? Hindi ba sila iyong ginagamit ang kaisahan ng Iglesia upang masalapian ang mga kumakandidato na humihingi ng boto ng Iglesia? Hindi ba sila iyong ginagamit ang poder sa Iglesia upang makapagkamal ng salapi sa pamamagitan ng pagpapanukala ng mga malalaking proyekto at mga aktibidad na diumano’y para sa kapakanan ng Iglesia subali’t sa katotohanan ay para rin sa mahalay nilang kapakinabangan? Hindi ba sila iyong mga ministro’t manggagawa na ang kaligayahan at labis na ipinagpapasalamat sa Diyos ay ang kanilang pagyaman at masayang pamumuhay, sukdulang ilagay ang Iglesia sa malaking kahihiyan?

Nasusuklam ang Diyos sa mga pastol na upahan at walang kabuluhan. Ganito ang pahayag ng Diyos tungkol sa kanila, “Ako ang Diyos na buhay. Ang mga tupa ko’y pinipinsala at nilalapa ng mababangis na hayop pagkat walang nangangalaga. Hindi hinahanap ng mga pastol ang aking mga tupa. Sa halip na alagaan ang mga ito, ang sarili nila ang binubusog. Kaya nga makinig kayo mga pastol, wika ng Panginoon, “Pakinggan ninyo itong aking sinabi: Laban ako sa inyo. Pananagutan ninyo ang nangyayari sa aking mga tupa. Hindi ko na kayo gagawing pastol upang hindi na ninyo mabusog ang inyong sarili. Ilalayo ko sa inyo ang aking mga tupa at hindi na ninyo mapapakinabangan ang mga ito” (Ezekiel 34:7-10). Kaawa-awa at walang kabuluhan ang turing ng Diyos sa mga pastol na nagpapabaya sa kawan (Zacarias 11:17 MB). Lilipulin sila at tatanggapin nila ang bunga ng kanilang ginawa (Jeremias 8:13 MB).

Kumikilos na ang kamay ng Diyos ngayon upang ihayag ang mga tiwali at ibalik ang Iglesia sa dati nitong kalagayan na maayos, matatag at banal.

Tulungan nawa ng Diyos at ng Panginoong Jesucristo ang mga tapat at matitinong ministro’t manggagawa na matugunan ang dahilan ng pagkatawag sa kanila ng Ama at ang dahilan ng pagkakatiwala Niya sa kanila ng Kaniyang kawan o Iglesia. Mahalin at pahalagahan nawa nila ang Iglesia nang higit sa pagmamahal at pagpapahalaga nila sa kanilang sarili. Tiyak na sa pagparito ng Pangulong Pastol ay ipagkakaloob sa kanila ang maningning na koronang di kukupas kailanman o ng buhay na walang hanggan (I Pedro 5:4 MB).

Pin It on Pinterest

Shares
Share This

Please Share This

Share this post with your friends!