ANG KAHULUGAN NG PATULOY NA PANGGIGIPIT NG PAMAMAHALA SA MGA ITINIWALAG

Kamakailan lamang ay ibinalita sa akin ng ilang Tagapangasiwa ng Distrito, tatlo sa Pilipinas, (dalawa sa Luzon, isa sa Mindanao), at dalawa dito sa Amerika. Hindi ko na babanggitin kung saan dito sa Amerika sapagkat kakaunti ang distrito rito at baka maidentified sila. Salamat sa Diyos sapagkat hindi nawawala ang kanilang pagmamasalakit sa akin at sa mga defenders sa kabila ng katotohanan na binigyan sila ng mga posisyon sa Iglesia. Salamat din sa Diyos sapagkat naikukubli nila sa kanilang mga “superior” ang kanilang pagiging silent defenders. Sa kanila ko rin nalaman na mas marami ang mga 01 (Tagapangasiwa ng Distrito), at mga ministro na silent defenders at halos masuka na dahil hindi nila masikmura ang maraming ipinagagawa sa kanila lalo na ang pangigipit sa mga kapatid na pinaiimbistigahan ng Central at ang pagbabanta nila sa mga nasasakupan nilang mga ministro kapag hindi nila mapaamin ang mga “suspect.” Hindi lang daw sila makalantad sapagkat baka matulad sila sa akin at sa iba pang mga natiwalag na ministro na patuloy na tinutugis, inuusig at ginigipit.

Sinabi nila sa akin na may isinagawang Webex para sa mga 01 (Tagapangasiwa), na doon ay itinagubilin na lahat ng mga naging malapit sa akin, mga ministrong nakasama at “naipuwesto” noong ako ay nasa Foreign Office pa, mga inaanak sa kasal, mga kaibigan, at matagal na nakasalamuha ay dapat kausapin ng masinsinan at maging marahas kung kinakailangan. Itanong daw sa kanila kung kangino sila panig, sa Pamamahala o kay Jun Samson? Habang sinusulat ko ito ay may tumawag sa akin na ministrong tagapagturo sa CEM na kaya raw patuloy akong hinaharass at maging ang mga kapatid na pinaghihinalaan nilang tumutulong sa akin, ay upang ako ay gipitin hanggang sa ako ay sumuko.

BAKIT WALANG TIGIL, MANAPA AY LALO PANG PINAG-IIGTING NG MGA MAPANG-APING MGA MINISTRO ANG PANGGIGIPIT SA MGA NATIWALAG AT MAGING SA LAHAT NG MGA MALALAPIT SA KANILA?

Ang mga kahulugan ng patuloy na panggigipit ng Pamamahala sa kanilang mga itiniwalag:

  1. Hindi na sila sumasampalataya sa doktrina na ang Pagtitiwalag ang pinakamabigat na parusang maaaring igawad sa isang kaanib sa Iglesia. Ang paniniwala nila ay mas mabigat na parusa ang sila’y habulin, takutin, idemanda, at ipakulong. Ito’y nagpapatunay rin na ang pagtitiwalag ay hindi na isang uri ng disiplina at pagtutuwid sa isang inaakusang nagkasala kundi isang kasangkapan sa pananakot upang mahawakan nila sa leeg ang mga kapatid at mapasunod sila sa kanilang balang maibigan.
  1. Hindi na rin sila sumasampalataya sa aral ng Biblia na ibigin ang kapatid, maging ang kaaway.
  1. Hindi na mahalaga sa kanila ang relasyon ng magkakapamilya kaya pilit nila itong sinisira sa paraang inaatasan nila ang mga mahal sa buhay ng mga natiwalag na huwag na silang tutulungan ni kakausapin man..
  1. Iniisip nila na ang kanilang mga ginagawang pangbubully at pag-uugaling sindikato ang makasusugpo ng paghihimagsik ng kalooban ng mga gising sa katotohanan.

 Note: Wala na ba kahit isa sa kanilang marunong umunawa na ang paghihimagsik ng damdamin ay hindi kayang pigilan   ng pananakot at panggigipit kundi lalo lamang nilang itinutulak ang marami upang lalong maghimagsik at matutong lumaban? Para silang pumipigil ng malakas na agos ng tubig sa isang dam sa layuning maiwasan nila ang baha at hindi sila mapinsala subalit dahil sa bugso at dami ng tubig ay hindi na nito makakayanan pa kaya biglang sasabog at mas malaki ang idudulot na kapinsalaan.

  1. HIGIT SA LAHAT, ITO AY NANGANGAHULUGAN na isang napakalaking kabiguan ang kanilang pangunguna sa Iglesia at sila mismo ay wala nang tiwala sa kanilang pangangasiwa. Alam na rin nila na napakarami nang mga kapatid, lalo na sa hanay ng mga ministro at mga manggagawa, na ang pagsunod sa kanila ay hindi na buong puso, manapa ay napipilitan na lamang o dahil sa takot at hindi na udyok ng pag-ibig at pananampalataya. Sapagkat kung ang mga kapatid ay tunay na naniniwala at nagtitiwala pa sa kanila ay hindi na sila kailangang puntahan o ipatawag pa upang imbestigahan, takutin, pangakuin, pagsalaysayin, at piliting magsabi ng, “I AM ONE WITH XXX.” Sabi nga ng mga ininterrogate nila, “Nagsinungaling na lamang kami maging sa ginawa naming mga salaysay, tutal sila’y mga ‘uto-uto’ at madaling maniwala sa kasinungalingan at mas sinungaling pa sa diablong ama nila. Plastikan na lang ngayon.” Oo nga naman, iniisip ba ng mga “berdugo at mga hitmang” ito (pumapatay ng kaluluwa), na kapag nagawa nilang papangakuin at pagsalaysayin ang mga kapatid ay hawak na nilang lubusan ang kanilang tunay na damdamin at katapatan? Hindi kaya nila naiisip na ang ginagawa nila ay lalo lamang naghahayag na wala na sa kanila ang patnubay ng Espiritu Santo sapagkat kung ito’y nasa kanila pa ay dapat sanang kusa at buong puso ang pagsunod ng mga kapatid sa kanila? Hindi na kailanganing daanin sila sa pagbabanta at pananakot lalo pa at ang mga kapatid ay sinanay ng Pamamahala mula pa sa panahon ng Sugo ng Diyos sa mga huling araw na maging masunurin at mapagpasakop.

Ang lalong malaking katunayan na wala na sa kanila ang patnubay ng Diyos ay ang nakikita sa mga naturingang tagapayo ng namamahala na walang ginawa kundi ang magpunta sa iba’t ibang bansa upang manugis ng mga defenders. Ang isang matibay na halimbawa nito ay si Regalado delos Reyes, isa sa mga tinaguriang berdugo o taga-usig sa mga pinaghihinalaang nagsasalita ng laban sa Pamamahala, na agad nilang ginawang tagapangasiwa sa Southern California. Si Rey delos Reyes ay dating kalaban at very vocal sa mga nangyayaring katiwalian sa Iglesia. Tanungin ninyo ang Pamunuan ng Central lalo na si Ed Pelayo at ang mga nakasama niyang mga ministro. Subalit dahil sa paghahangad ng kapangyarihan ay isinuko na ang wasto at banal na prinsipyo ng buhay at naging pangunahing tagausig. Kung tawagin nga siya ay si “720 degrees” dahil hindi lamang 360 degrees ang naging pag-ikot o pagbaliktad niya. Hanggang dito sa Amerika ay patuloy siya sa pag-uusig at paggamit sa mga ministro at mga kapatid para lamang makapagpasikat at makapagbigay kasiyahan sa  mga nasa Central. Ang hindi niya alam ay dinadala nila siya sa tiyak na kapahamakan. Hintayin natin kung ano ang ibubunga ng kaniyang pagiging maangas at ng kaniyang mga ginagawa na labag sa batas dito sa Amerika. Nakalulungkot na maraming mga ministro ngayon na halos ipagbili pati ang kanilang kaluluwa makamit lamang ang kanilang matayog na pangarap sa buhay—ang magtamo ng kayamanan at kapangyarihan.

Nauunawaan ko kung sinasabi man ng maraming mga ministro na kaya nila ipinipikit na lang ang kanilang mga mata sa nangyayaring katiwalian sa Iglesia ay dahil sa kanilang pagmamahal, pagmamalasakit at katapatan sa Pamamahala. Subalit  pagmamahal, pagmamalasakit at katapatan nga ba sa Pamamahala ang pagsasawalang kibo sa nakikitang kasamaan sa Iglesia? Ang alam kong pagmamahal, pagmamalasakit at katapatan sa Pamamahala ay ang ipaalam sa kaniya ang mga kasamaang nagaganap sa Iglesia kahit sino pa ang masagasaan upang ito ay maaksiyunan at hindi makasira sa kaniyang Pamamahala at higit sa lahat sa Iglesia. Ito nga ang ilang ulit kong ginawa subalit nabigo lamang ako sa aking ginawang pagmamalasakit sa halip ay pinagbintangan pang lumalaban sa Pamamahala. Ito ang dahilang kaya nila ako inusig ng husto sa Pilipinas at hanggang ngayon ay inuusig pa.

Kailan kaya nila maiisip na ang lunas sa mga suliraning bumabalot sa Iglesia ay hindi ang patuloy na mga pag-uusig at pagtitiwalag sa mga pinaghihinalaang mga defenders, na ang ibinubunga ay lalo lamang dumarami ang natututong maghimagsik? Kailan sila matatawagan ng pansin na halos lahat ng kanilang itinitiwalag at inuusig ay ang mga masisiglang mga maytungkulin at mga matatagal nang kaanib at nagmamalasakit sa Iglesia kaya hindi nila matiis ang mga anomalyang nagaganap sapagkat ayaw nilang masira ang Iglesia? Kailan nila maiisip na ang buong Iglesia ay naghihintay ng pagbabago?

Kailan nila makikita ang pagluha hindi lamang ng mga naapi at natiwalag kundi ng buong Iglesia na nagdurugo ang puso dahil sa nakikita nilang pagkasira sa Iglesia na hindi nangyari kailanman sa panahon ng Pamamahala ng Kapatid na Felix Y. Manalo at Kapatid na Eraño G. Manalo?  Kailan kaya nila matututong lunukin na lamang ang kanilang pride at tanggapin na nasa kanila ang mas malaking pagkukulang na hangga’t hindi nila itinutuwid ay lalong malulubog sa gulo ang Iglesia? Kailan nila mauunawaan na ang nangyayari ngayon sa Iglesia ay hindi dulot at dapat isisi sa mga nagtatanong at pumupuna sa mga kurapsiyon kundi sa mga ministrong gumagawa ng mga anomalya? Kailan nila matututuhang isakripisyo ang kanilang pansariling kapakinabangan at ipagpauna ang kapakanan ng Iglesia? Sabi nga sa english, “When will they ever learn?” or “Will they ever learn?”

MAAWA NA PO KAYO SA BAYAN NG DIYOS!

Pin It on Pinterest

Shares
Share This

Please Share This

Share this post with your friends!