ANG PANANAHIMIK AY HINDI AGAD NANGANGAHULUGAN NG PAGIGING GUILTY

 

“Ang nilalayon ng sulating ito ay hindi upang baguhin ang isipan ng mga mapanira at mga sarado na ang isipan kundi upang maprotektahan ang mga walang malay at ang mga naghahanap ng katotohanan.”  Isaias T Samson Jr.

 

English Version

 

Note: Nais ko sanang mamalagi na lamang na nananahimik sa kabila ng napakaraming paninira na ibinabato sa akin sapagkat ako’y nangangamba na ang aking pagsagot ay magiging katumbas ng “adding fuel to the fire.” Subalit marami ang nagsasabi na ang pananahimik ko ay nangangahulugan lamang na guilty ako sa lahat ng mga akusasyon at ang lalong masama ay labis na itong nakasisira ng loob sa maraming mga madaling mapaniwala na mga defenders. Ang nilalayon ng sulating ito ay hindi upang baguhin ang isipan ng mga mapanira at mga sarado na ang isipan kundi upang maprotektahan ang mga walang malay at ang mga naghahanap ng katotohanan.

 

 

Nang kami ng pamilya ko ay makatakas mula sa aming pagkaka-“detained” o pagkaka-“house arrest” ay maraming natuwa. Sa kanilang katuwaan ay marami ang nagsikap na ako ay ma-contact upang kami ay madaliing umalis sa Pilipinas at nag-alok sila ng tulong upang kami ay makakuhang muli ng passports, magkaroon ng pamasahe, ng matutuluyan sa bansang maaari naming puntahan, at maging sa pag-a-apply ng asylum. Magalang kong tinanggihan ang kanilang mga alok at sinabi ko na para sa akin ay may layunin ang Diyos kaya ipinahintulot Niya na malagay ako sa ganitong kalagayan.

Nang sampahan ko ng “illegal detention case” ang Sanggunian ay labis silang natakot kaya nga ito ay nauwi sa ginawa nilang DOJ at EDSA rally. Ang pagkatakot nila ay sinamantala ng aking mga abogado upang sila’y babalaan na kapag hindi nila isinauli ang aming mga passport ay madadagdagan ang kasong isasampa sa kanila sapagkat may pinanghahawakan kaming katibayan na may lagda ng inutusan nilang kumuha ng aming passports. Dahil dito, napilitan ang kanilang mga abogado na sumulat at mangako na isasauli nila sa amin ang mga ito gayunpaman, nang ito ay maibalik nila kanila Atty. Trixie ay buwan na ng Disyembre, 2015. Sa loob din ng panahong yaon ay limitadong limitado ang aking nagagawa para sa kilusan ng mga defenders sapagkat ang panahon ko ay halos maubos na lamang sa pagtatago at pagpapalipat-lipat ng tinutuluyan dahil sa walang tigil na paghahanap at pagbabanta sa amin ng mga masasama.

 

Sa loob ng anim na buwan, ay walang tigil ang paninira sa akin ng mga masasamang ministro at ng kanilang mga tauhan. Ang hindi ko lang matiis ay ang patuloy na pagwasak nila sa Iglesia at panggigipit sa sambahayan ni Ka Erdy, at napakalimitado ng aking nagagawa. Nagsabi ako sa mga “KINAUUKULAN” at sa ilang mga defenders na kinakailangan nang kami ay lumabas ng Pilipinas upang mas marami akong magawa. Bagamat naghihintay pa sana kami ng tamang panahon at pagkakataon na makaalis habang inaalam kung walang magiging problema sa aming paglabas, ay pinasabihan ako ng ilang silent defenders na mga ministro na lalong pinatindi ng masasama ang paghahanap at pagbabanta sa amin at ang payo nila sa amin ay umalis na agad kami ng bansa. Dahil dito, agad kaming nagpabook ng flight at ang booking ay ginawa sa labas ng Pilipinas upang di agad matunton at sa tulong ng ilang “contact” at higit sa lahat ay ng Ama, ay nakalabas kami ng maluwalhati. Pagkatapos nito ay napag-alaman ko na may nakakita pala sa amin sa airport subalit huli na sapagkat ang eroplano ay nasa “runway” na. Pagkarating namin sa aming distinasyon, ay nalaman namin na may ilan pang sari-saring kaso na isinampa laban sa akin sa iba’t ibang panig ng Pilipinas.

 

 

Ang nasa isip ko ay matutuwa ang mga defenders sapagkat minsan pa kaming nakatakas, subalit ang laking gulat ko, nang sa unang linggo pa lamang namin sa Amerika at una ko sanang pangangasiwa ng group meeting ay may isang ministro na agad ay nagpahayag na ihihiwalay na niya ang kaniyang grupo. Ang sabi niya, “I just want to mind my own business.” At parang ito ay hindi pa sapat, isang malaking grupo naman ng mga “defenders” sa pangunguna ng kanilang lider at ng kaniyang kapatid ang nagsimula nang ako ay siraan (alam nila kung sino-sino sila gayundin ng mga nakabasa). Paano raw kami nakalabas ng Pilipinas ay kinumpiska ang aming passports? Paano raw kami nakakuha ng US Visa ay napakahirap kumuha nito? Ang hindi nila alam, ang bago naming passports ang nakuha ng mga “aanga-angang” inutusan ng Central at hindi ang mga passport na doon nakatatak ang aming mga Visa. Bakit daw wala akong hold departure order at warrant of arrest ay may libel case pa akong naiwan? Kung sila lang ay kumunsulta sana muna sa abogado bago sila nanira, ay nalaman sana nila na hindi pala sapat ang isang libel case upang magkaroon ng hold departure order, at kaya naman walang warrant of arrest sa akin ay sapagkat sumisipot ako sa mga hearing samantalang ang mga sanggoons ay hindi. Marahil daw ay tinulungan lang ako ng Central kaya pagka-alis namin ay nadismiss agad ang kaso. Hindi nila naisip na sabay-sabay idinismissed ni Prosecutor Felipe ang nagiisa kong kaso at ang limang libel cases ni ka Joy Yuson at ka Roel Rosal. Kung susundan natin ang paraan ng kanilang pag-iisip (kung nag-iisip nga), nangangahulugan din ba na sina ka Joy at ka Roel ay tinulungan din ng Central? Aakusahan din ba nila ang dalawa na mga “moles”? Bakit daw hindi ko na hinabol ang nadismissed kong kaso na illegal detention? Hindi nila alam na sinabi ko kay Atty. Trixie at maging sa ilang media interview sa akin na bagamat gusto kong maparusahan ang mga ministrong sumalaula sa Iglesia ay sumasampalataya ako na itinulot pa rin ng Diyos na ito ay madismissed sapagkat may inilalaan Siyang mas mabigat na parusa sa kanila. Nagawa ko na ang aking bahagi, ngayon naman ay ipinauubaya ko na sa Diyos ang lahat. Sana, sila rin na nagsasabing mga “defender ng katotohanan” ay  matutong gumalang sa pasiya at kalooban ng Diyos.

 

Sinasabi nila na iniwan ko ang laban. Ito ay sa kabila ng katotohanan na  alam na alam nila na mas marami akong magagawa dito sa US sapagkat hindi na magagawa ng mga masasamang ministro at ng kanilang mga kasamahan ang labis na panggigipit sa amin. Ako raw ay nagbubuhay-hari dito sa Amerika at kahit noong nasa Pilipinas pa ay marami raw akong nakuha sa RTC. Ang nakapagtataka, may mga kasamahan sila sa grupo lalo na ang kanilang mga lider, na nakakaalam na ito ay napakalaking kasinungalingan subalit piniling manahimik na lang at hindi nila sila sinasaway. BAKIT KAYA? Ako raw ay isang “mole” at pinadala lang dito ng Central upang maghasik ng pagkakabaha-bahagi sa mga defenders samantalang alam na alam nila lalo na nga ng kanilang mga lider kung sino-sino ang sa mula’t mula pa ay ayaw na sa pagkakaisa at sa pagiging organized at may kani-kaniya nang grupo.

 

 

May lakas pa sila ng loob na pagbintangan ako na in-appoint ko ang aking sarili na tagapanguna sa gawain, samantalang alam ng mga lider nila na sinabi ko sa ating mga “Tagapanguna” na sana ay hindi ako ang itinalaga nilang mangunguna sapagkat ramdam ko nga na ang gusto ng iba ay sila at hindi sila makikipagkaisa. Ang hindi nila pakikipagkaisa manapa ay ang pagkakaroon ng sariling mga agenda ang dahilan kaya naging stagnant ang ating gawain. Ito ang dahilan kaya gumawa ako ng sulat na ang pinakalayunin ay ipaalam sa mga defenders na kailangan nang kumilos kahit pa wala ang tatlong grupong nauna ng humiwalay. Gayunpaman, ang nilalaman ng aking sulat ay binaluktot rin ng mga naninira sa pagsasabing itiniwalag ko raw ang tatlong ministro at ako raw ang humiwalay. Ito po ang dahilang kaya ipinalathala ko ang naturang sulat upang makita ninyo ang kanilang kasinungalingan. Narinig daw nila sa EGM na pinababalik ko na sa Iglesia ang mga defenders kahit magulong-magulo pa ito. Ito’y isa pang napakalaking kasinungalingan at pangloloko sa mga defenders sapagkat ang mga tunay na dumadalo at nakikinig (hindi natutulog o inaantok) ay makapagpapatotoo na ang lagi kong sinasabi at ng mga kasamahan kong ministro ay “babalik tayo sa Iglesia kapag ito ay naibalik na sa maayos at banal na kalagayan.”

 

Ngayong “nakatakas” na si ka Lowell Menorca ay kataka-takang bigla na namang tumindi ang paninira sa akin at ang paulit-ulit pa rin na mga isyu na kanilang ibinabato ay ang mga nabanggit sa itaas lalo na ang tungkol sa kung papaano kami nakalabas ng Pilipinas habang panay ang pagbubunyi nila at pagpapasalamat sapagkat nakatakas sila ka Lowell. Ayaw kung maniwala na ito ay utos ng mga kinikilala nilang lider, subalit ang ipinagtataka ko ay bakit hindi nila sila sinasaway o masaway sa mga paninira at panloloko sa mga inosenteng mga defenders. Pagkatapos ay ang grupo pang ito ang may lakas ng loob na tawaging pretenders ang kanilang mga sinisiraan.

 

 

Ang pinakahuli sa kanilang ibinibintang ay may kinalaman daw ako sa nai-record na pagsasalaysay ni ka Bong Ponce tungkol sa kung papaano nila pinasimulan nina ka Lowell ang gawaing ito. Nalimutan na ba nila na ang ginamit na platform sa pag-uusap ay ang sarili nila at ang lahat ng mga dumalo sa pag-uusap na halos lahat ay kabilang sa kanilang mga grupo ay ini-screen o sinuri muna nilang mabuti? Sa takbo ng mga pangyayari ay hindi na ako magtataka kung bigla na lamang nilang ipawalang sala ang mga masasamang ministro at iparatang nila sa akin ang pagkasira ng Iglesia. Huwag na rin po kayong magtataka kung ako na ang pagbintangan nilang nag-loan sa mga banko ng 11.5 bilyong piso at nagsangla sa maraming mga properties ng Iglesia.

 

Ngayong nasabi ko na ang dapat kong sabihin ay muli akong mananahimik paniwalaan man ito o hindi ng mga kinauukulan. Idinadalangin ko sa Diyos na buksan Niya ang isipan ng mga nadirimlan at pinaghaharian ng poot at Siya na sana ang maghayag ng katotohanan.

 

ISANG BAGAY ANG AKING TINITIYAK SA MGA DEFENDERS AT IPINANGANGAKO SA DIYOS:

 

Dahil sa Sion ay hindi ako tatahimik, at dahil sa Jerusalem ay hindi ako magpapahinga, hanggang sa ang kaniyang katwiran ay lumitaw na parang ningning, at ang kaniyang kaligtasan ay parang ilawan na nagniningas “  (Isaias 62:1)

 

Isaias T. Samson, Jr.

March 11, 2016





Pin It on Pinterest

Shares
Share This

Please Share This

Share this post with your friends!