ANG MARAPAT NA PAGTUTURO SA PAGSAMBA

Kapansin-pansin na napakarami ngayong mga batang ministro at manggagawa. Sa pangangasiwa ng pagsamba ay ay kitang-kita na nagagamit nila ang kanilang natutuhan sa paaralan ng mga nagmiministro tungkol sa maayos na kaayusan at pananamit, tindig, kumpas, at paggamit ng tinig. Mababakas din sa kanilang gamit ng mga salita na bago sila magturo ay pinag-aralan na muna nilang mabuti ang leksiyon kaya bakas na bakas sa kanila ang tiwala (confidence) o minsan pa nga ay ang pagiging over confident. Gayunpaman, kapansin-pansin na sa kabila ng mga katangiang ito na kanilang taglay, tulad DIN ng ibang mga ministro, ay nasasabi pa rin ng maraming kapatid na may kulang sa kanilang mga pangangasiwa o kulang pa rin (lalong masama ay wala) ng biyaya, kaya marami sa mga sumamba ang umuuwi na hindi nakatanggap ng kailangang lakas ng kaluluwa. Kung baga sa ulam, naroon na ang lahat ng sahog subalit kulang pa rin sa lasa, matabang, o walang sarap. Bakit kaya? Sapagkat may kulang na mahahalagang “ingredients.” Bagamat ang lahat ng mga nabanggit na katangian ay mahalagang mataglay ng isang mangagawa, higit sa mga ito, upang ang isang manggagawa ay maging mabisa sa pagtuturo ay kailangang magtaglay niya ang mga sumusunod:

Sinabi ni Apostol Pablo na, “Huwag mong bigyang-daan na hamakin ka ninuman dahil sa iyong kabataan. Sa halip, pagsikapan mong maging huwaran ng mga sumasampalataya sa pananalita, ugali, pag-ibig, pananampalataya, at kabanalan” (I Tim. 4:12, MB). Kapansin-pansin na ang isang ministro ay hindi lamang sa pananalita o pagtuturo huwaran, kundi maging sa ugali, pag-ibig, pananampalataya, at kabanalan upang magkaroon siya ng bisa sa Iglesia. Paano ba siya magiging huwaran sa pananalita o pagtuturo?

“Ganito ang sabi ng Panginoon, Tumayo ka sa looban ng bahay ng Panginoon at salitain mo sa lahat ng bayan ng Juda, na nagsisiparoon upang magsisamba sa bahay ng Panginoon, ang lahat na salita na iniutos ko sa iyo upang salitain sa kanila; huwag kang magbawas kahit isang salita” (Jer. 26:2). Maliwanag na hindi sapat na marunong lang na “tumayo” at magsalita ang isang ministro sa loob ng bahay ng Panginoon. Ang isang ministro o manggagawa ay dapat na buong ingat sa pagsasalita. Ang dapat lang niyang ituro ay “ang lahat na salita na iniutos” sa kaniya ng Diyos. Pakatandaan niya na siya ay kasangkapan lamang o bibig ng Diyos upang makarating sa bayan ng Diyos ang Kaniyang pinasasabi na makapagpapalakas sa pananampalataya ng Kaniyang bayan. Nakalulungkot na sa malimit na pagkakataon ay hindi ito ang natutupad sapagkat ang pinag-iigi ng iba ay ang pagbibigay ng maraming halimbawa upang ipakita na marami silang nalalaman sukdulang maging mawidwid at mahaba ang kanilang pagtuturo. Maganda rin sana sapagkat piling-pili ang kanilang pananalita subalit ang layunin lang ng iba ay upang sila ay hangaan at purihin ng mga kapatid. Paano kung gayon sila sasamahan ng Diyos sa kanilang pagtuturo?

Paano rin magkakaroon ng biyaya at madarama ng mga kapatid ang pakikisama ng Ama kung sa halip na dalisay na aral ng Diyos ay atake at pagpaparunggit ang sa tuwi-tuwina ay naririnig ng mga sumasamba? Na kahit ano ang leksiyon ay bigla na lang mauuwi sa pagtuligsa sa iba. Ang dapat isipin ng mga nangangasiwa ng pagsamba kahit pa mga bata pa ang marami sa kanila ay ang kawawang kalagayan ng mga kapatid, mga lingkod ng Diyos na hirap na hirap sa pamumuhay, o nakararanas ng mabibigat na suliraning pampamilya at iba’t ibang matitinding pagsubok.

Sana ay napansin ng lahat kung gaano kahigpit ang Diyos pagdating sa pagtuturo ng Kaniyang mga salita? Ang sabi Niya, “salitain mo sa lahat” … “ang lahat na salita na iniutos ko sa iyo … huwag kang magbawas ng kahit isang salita.” Kaya kung sinalita ng Diyos na ang mga lingkod Niya ay dapat na magbagong-buhay ay dapat na buong giting na ipahayag ito ng mga Tagapangasiwa sa kanilang nasasakupang mga ministro at mangagawa maging sino man sila. Hindi sila dapat magtago sa “piging ng pag-iibigan.” Dapat na ang ihayag sa pagsamba ay ang mga gawa ng kadiliman at hindi ang aatakihin ay ang mga naglalantad at lumalaban sa kasamaan. Ayon sa Ezek. 2:6-7, MB ay, “Huwag kang matatakot sa kanila kahit kanila pagbantaan, kahit na paligiran ka nila na waring nakaupo ka sa gitna ng mga alakdan. Huwag ka ngang masisindak sa kanila bagamat sila’y talagang mapaghimagsik. Sa makinig sila o sa hindi, sabihin mo sa kanila ang ipinasasabi ko sa iyo.” Dapat ay maging matapang at magiting ang isang ministro sa pagsasabi ng katotohanan at hindi sa pagsasanggalang at pagtatakip sa kamalian.

Tandaan natin na kapag tayo ay nakatayo sa tribuna at nangangasiwa ng pagsamba o ng pulong, tayo ay lagusan lamang ng mga pahayag ng Diyos. Siya ang dapat na maglagay ng mga salita na dapat salitain ng ating bibig, subalit hindi ito mangyayari kung ang ating bibig ay punong puno ng masasamang salita at ng kasinungalingan, o ang lumalabas dito ay lason dahil mawawalan ng puwang ang mga salita ng Diyos. Hindi rin maaari na ang lagusan o daanan ng biyaya ay barado sapagkat hindi ito makararating sa kinauukulan at hindi sila makikinabang. Dapat sana ay mapuno tayo ng pag-ibig at pagmamalasakit sa Iglesia upang ang lumabas sa ating bibig ay ang makapagbibigay-lakas sa pananampalataya ng mga kapatid, sa gayon ay masasabi nila na tunay silang nakasamba sapagkat naranasan nila ang kapangyarihan ng Diyos.

Ang kailangan ngayon ng Iglesia ay mga ministrong kapag nangangasiwa ng pagsamba ay damang dama ng Iglesia na dumadaloy ang saganang karunungan at kapangyarihan. Mga ministro na kapag nagtuturo ay nakapagpapalakas sa mahihina, nakapagbibigay ng inspirasyon sa nawawalan ng pag-asa, at nakapagpapatibay ng pananampalataya. Mga ministrong tunay na nagmamahal at nagmamalasakit sa Iglesia at nakahandang isakripisyo kahit ang kanilang buhay kung kinakailangan, matiyak lamang na ang Iglesia ay handa na sa pagsalubong sa pagbabalik ni Jesus, na nasa kalagayang banal, walang dungis at kapintasan, karapat-dapat sa kaligtasan.

Pin It on Pinterest

Shares
Share This

Please Share This

Share this post with your friends!