ANG MABUTING PASTOL AT ANG UPAHAN, ISANG PAGHAHAMBING

incdefenders.org_06704

Ipinakilala ng Panginoong Jesucristo ang Kaniyang sarili na mabuting pastor ng Kaniyang kawan (Juan 10:14, 16). Ang kawan ay ang Iglesia ni Cristo na binili ng Panginoong Jesucristo ng Kaniyang dugo (Gawa 20:28 Lamsa). Ang mabuting pastor ay handang ibigay ang kaniyang buhay dahil sa kaniyang mga tupa (Juan 10:11). Pinatunayan ito ng Panginoong Jesucristo noong ihandog Niya ang kaniyang sarili para sa pinakaiibig Niyang Iglesia—ang Kaniyang katawan na Kaniyang ililigtas (Efeso 5:25, 23). Siya ang huwaran o pinakamabuting halimbawa na ibinibigay ng Biblia sa pag-aalaga at pagmamalasakit sa Iglesia.

Sa ‘Talinghaga ng Nawalang Tupa’ ay pinatunayan ng Panginoong Jesucristo ang malasakit Niya sa mga na ibinigay sa Kaniya ng Ama. Nang maligaw ang isa ay iniwan Niya ang siyamnapu’t siyam upang hanapin ang naligaw hanggang sa matagpuan. Nang masumpungan, ay labis Niyang ikinagalak sapagkat alam Niya na ayaw ng Amang nasa langit na isa man sa mga tupang itiniwala sa Kaniya ay mapahamak (Mateo 18:12-14 MB). Ang tinutukoy sa talinghaga na tupang nawala o naligaw subalit muling nasumpungan ay ang makasalanang nagsisi at tumalikod sa kaniyang kasalanan (Lucas 15:6-7 MB). Hindi lamang ang mabuting pastol ang natutuwa kapag ang makasalanang nagsisi ay tumalikod sa kasalanan, maging ang mga anghel sa langit ay nagkakatuwa (Lucas 15:5-7). Ang Ama ang unang-unang may ibig na ang lingkod Niyang nahulog sa pagkakasala o kalikuan ay magsisi’t manumbalik sa Kaniya (Isaias 55:7). Kaya ang mabuting pastol ay kadamdamin ng Diyos at ng Panginoong Jesucristo sa pagmamalasakit sa kawan. Mapagpayo ang tunay na umiibig upang maingatan huwag magkasala ang sinuman. At kung mahulog sa pagkakasala ang sinuman ay agad sinasaway, at pinapagbabalik-loob upang huwag tuluyang mapahamak.

Sa Ezekiel 34:11-16 MB ay sinabi ng Diyos ang nais Niya na maging uri ng pangangalaga para sa Kaniyang mga tupa. Sinabi Niya: “Ako mismo ang maghahanap at mag-aalaga sa aking mga tupa. Kung paanong hinahanap ng pastol ang tupa Niyang nawawala, gayon ko hahanapin ang aking tupa. Kukunin ko sila saanman sila itinapon noong panahon ng kanilang kasamaan. Titipunin ko sila mula sa iba’t ibang dako upang ibalik sa sarili nilang bayan. Doon ko sila aalagaan sa kaparangan … sa tabi ng mga bukal ng tubig at sa magagandang pastulan. Aalagaan ko sila sa sariwang pastulan sa tahimik na kaburulan… Mamamahinga sila sa sariwang pastulan at manginginain ng sariwang damo sa kaburulan… Ako mismo ang magpapastol sa kanila at hahanap ng kanilang pahingahan. Hahanapin ko ang nawawala, ibabalik ang nalalayo, hihilutin ang napilay, palalakasin ang mahihina, at babantayan ang malulusog at malalakas. Ibibigay ko sa kanila ang kailangan nilang pagkain.” Samakatuwid, nauunawa ng mabuting tagapag-alaga na pananagutan niya sa Diyos na pangalagaang mabuti ang Kaniyang mga tupa. Dapat ay buhos ang kaniyang panahon, lakas at buhay para pakainin, painumin, papagpahingahin at bantayan ang kawan. Kung may nawala ay agad na hinahanap, ibinabalik ang nalayo sa kawan, hinihilot ang napilay, pinalalakas ang mahihina at binabantayan ang malulusog at malalakas. Buhos ang puso at isip ng mabuting pastol sa pag-aasikaso sa lahat ng kapakanan ng kawan na kaniyang inaalagaan. Sa kabilang dako ganito ang pagpapakilala ng Biblia sa upahan. Ang upahan ay tumatakas, kapag nakikitang dumarating ang asong-gubat. Iniiwan niya ang mga tupa sa panahon ng panganib palibhasa’y hindi siya pastol at hindi kaniya ang mga tupa. Kaya’t sinisila ng asong-gubat ang mga ito, at pinangangalat. Tumatakas siya palibhasa’y upahan lamang at walang malasakit sa mga tupa. (Juan 1012-13 MB). Sarili ang iniintindi at hindi ang mga tupa, iniinom ang gatas, nagdaramit ng lana, at pinapatay ang mga pinatabang hayop ngunit hindi pinakakain ang mga tupa, hindi pinalalakas ang mahihina, hindi ginagamot ang maysakit, hindi hinihilot ang pilay, hindi hinahanap ang nawawala, at hindi ibinabalik ang nalalayo. Sa halip ay ginagamitan sila ng kamay na bakal, pinapangangalat ang mga tupa kaya nilalapa ng mga mababangis na hayop (Ezekiel 34:2-6 MB).

Ang upahan ay sarili ang iniintindi at hindi ang kawan. Ang sarili ang pinakakain at binubusog at hindi ang mga tupa. Hindi pinalalakas ang mga nanghihina, at hindi inaalagaan ang maysakit. Ginagamitan ng kamay na bakal o ng dahas kaya nangangalat ang mga tupa. Hindi hinahanap ang nawala kaya madali silang nalalapa ng mga asong-gubat. Sila ang unang tumatakas kapag dinadaluhong ng asong-gubat ang kawan. Ang lalong masama ay sila mismo ang pumapatay sa mga pinatabang tupa upang busugin ang kanilang sarili at makapagdamit ng lana. Ang upahan ay walang malasakit sa kawan. Ang sarili nila ang kanilang pinahahalagahan sukdulang masakripisyo ang kawan.

Laban ang Diyos sa mga pastol na upahan. Ganito ang pahayag ng Diyos sa kanila, “Ako ang Diyos na buhay. Ang mga tupa ko’y pinipinsala at nilalapa ng mababangis na hayop pagkat walang nangangalaga. Hindi hinahanap ng mga pastol ang aking mga tupa. Sa halip na alagaan ang mga ito, ang sarili nila ang binubusog. Kaya nga makinig kayo mga pastol, wika ng Panginoon, “Pakinggan ninyo itong aking sinabi: Laban ako sa inyo. Pananagutan ninyo ang nangyayari sa aking mga tupa. Hindi ko na kayo gagawing pastol upang hindi na ninyo mabusog ang inyong sarili. Ilalayo ko sa inyo ang aking mga tupa at hindi na ninyo mapapakinabangan ang mga ito” (Ezekiel 34:7-10).

May pasiya na ang Diyos sa mga upahang pastol, laban ang Diyos sa kanila, papananagutin Niya sila, ilalayo Niya ang mga tupa sa kanila, hindi na nila mabubusog ang kanilang sarili, at hindi na nila mapapakinabangan ang mga tupa. Aalisin ng Diyos sa kamay ng upahang pastol ang mga tupang ipinagkatiwala ng Diyos sa kaniya. Ang Diyos mismo ang mag-aalaga sa kanila. Maglalagay ang Diyos ng mga tagapag-alaga na tunay na magmamalasakit sa Kaniyang mga tupa.

Itinuro rin ng mga Apostol ang marapat na pamamahala sa kawan ng Diyos na ipinagkatiwala sa mga itinilaga Niyang mamahala sa kanila. Winika ni Apostol Pedro na, “Sa matatandang namamahala sa inyo, nananawagan ako bilang isa ring matandang tulad ninyo. Nasaksihan ko ang mga paghihirap ni Cristo at makakahati naman ako sa karangalang nalalapit nang ipahayag. Ipinamamanhik kong alagaan ninyo ang kawang ipinagkatiwala sa inyo ng Diyos. Pamahalaan ninyo ito nang maluwag sa loob, hindi napipilitan lamang, sapagka’t iyan ang ibig ng Diyos. Gampanan ninyo ang inyong tungkulin, hindi dahil sa masakim na paghahangad ng pansariling kapakinabangan, kundi sa katuwaang maglingkod; hindi bilang panginoon ng inyong mga nasasakupan, kundi bilang uliran ng kawan. At pagparito ng Pangulong Pastol tatanggap kayo ng maningning na koronang di kukupas kailanman (I Pedro 5:1-4).

Ang dapat matiyak ng mga tagapag-alaga ng Iglesia ni Cristo ngayon, partikular ay ang mga ministro at mga manggagawa ay magawa ang uri ng pamamahala sa kawan na hinahanap ng Diyos at ng Panginoong Jesucristo. Tungkulin ng mga pastol na pakanin ng kailangang pagkain ang mga tupa (Ezekiel 34:16 MB), na ito ay ang katuwiran ng Diyos (Ezekiel 34:16) o ang ebanghelyo (Roma 1:16-17) na siya ring mga salita ng Diyos (Mateo 4:4)na itinuturo sa panahon ng pagsamba sa bahay ng Diyos (Isaias 2:3) Naipaunawa sa mga kaanib Iglesia mula pa sa panahon ng Sugo ang kahalagahan ng pagdalo sa pagsamba. Sa pagsamba sa loob ng bahay ng Diyos o sa gusaling sambahan natatamo ng mga kaanib sa Iglesia ang kinakailangan nilang pagkain, ang pagkain ng kanilang kaluluwa na pagkaing tumatagal sa buhay na walang hanggan (Juan 6:27). Kaya kinasasabikan ng mga kapatid ang bawa’t pagsamba sapagka’t doon nila naririnig ang mga salita ng Diyos na aaliw sa kanilang kaluluwa, papawi ng kanilang hapis, magpapagaan ng kanilang pakiramdam. Ang dapat marinig ng mga mananamba ay ang mga pananalitang puno ng pag-ibig at hindi ng panlalait, poot at pagtatakwil. Sa aklat na isinulat ni kapatid na Erano G. Manalo na pinamagatang, ‘Pangalagaan Natin Ang Kaniyang Kawan,’ sa pahina 17 ay itinagubilin niya na, “Hindi tayo dapat nang-aatake sa Iglesia. Kung mayroong nagkakamali nang malubha ay ipatawag natin nang bukod at doon natin sabihin ang gusto nating sabihin nang buong kahinahunan pa rin. Gawin ninyo ito at gagaan ang pagdadala natin ng tungkulin.” Kahit puna o saway ang maririnig ng mga kapatid sa pagamba subali’t sinalita ito kalakip ang wagas na pag-ibig at pagmamalasakit, uuwi ang mga kapatid na masaya, masigla, at puno ng pag-asa. Sa ganito ay walang masasaktan, walang matitisod, walang manlalamig kundi mahihikayat na magbago, magpakatuwid at magpakasigla sa paglilingkod.

Ang upahan ay ginagamitan ng kamay na bakal ang mga tupa kaya nangangalat. Kung sa literal na mga tupa na inaalagaan ay hindi angkop ang paggamit ng kamay na bakal, lalo na kung mga tao ang pinamamahalaan. Sa literal na pangangalaga ng kawan, ang pastol ang nagpapakain sa mga tupa, naglalapat ng lunas kapag may nagkakasakit, napipilayan, nasusugatan, nag-aaway, at iba pang kauri nito. Hindi ang inilalapat na solusyon ay iligaw ang tupa, pagmalupitan at ipakain sa asong-gubat. Ang ministro ang itinalagang pastol upang mag-alaga sa mga kaanib sa Iglesia. Ang mabuting ministro ay nagpapakain sa pamamagitan ng laging pagtuturo ng mga dalisay na salita ng Diyos, nagpapayo sa nanlulupay, sumasaway sa nagkakamali, at naglalapat ng disiplina sa mga ayaw magbago. Buong pagmamahal at pagmamalasakit niya itong ginagawa sa mga nasasakupan niya kaya mahal din siya nila. Hindi niya sila tinatakot o pinagbabantaan, hindi sila dinadahas o pinagmamalupitan, hindi ginagawan ng anumang masama. Hindi rin niya sila pinagsasamantalahan o minomolestiya kundi siya pa ang tumutulong sa kanila. Hindi niya inaakay ang sinuman sa paggawa ng mali o anumang labag sa batas o lalo na sa mga aral ng Diyos, manapa ay inaakay niya sila sa lubos na paggalang at pagsunod sa lahat ng mga utos ng Diyos.

Tulungan nawa ng Diyos at ng Panginoong Jesucristo ang bawa’t ministro at manggagawa sa Iglesia na matugunan ng bawa’t isa ang dahilan ng pagkatawag sa kanila ng Ama at ang dahilan ng pagkakatiwala Niya sa kanila ng Kaniyang kawan o Iglesia. Mahalin at pahalagahan nawa nila ang Iglesia nang higit sa pagmamahal at pagpapahalaga nila sa kanilang sarili. Sa pagparito ng Pangulong Pastol ay ipagkakaloob sa kanila ang maningning na koronang di kukupas kailanman o ng buhay na walang hanggan (I Pedro 5:4 MB).

Pin It on Pinterest

Shares
Share This

Please Share This

Share this post with your friends!