ANG MABUTING LINGKOD NG DIYOS

incdefenders.org_06703“Ikaw ay magiging mabuting lingkod ni Cristo Jesus kung ituturo mo sa mga kapatid ang tagubiling ito. At habang itinuturo mo ito, dinudulutan mo rin ang iyong sarili ng pagkaing espirituwal at ng tunay na aral na sinusunod. Ituro mo’t ipatupad ang lahat ng ito” (I Tim. 4:6, 11 MB)

Tinitiyak ng Biblia na may “mabuting lingkod ni Cristo Jesus.” Kung may mabuting lingkod ay nangangahulugang mayroong hindi mabuting lingkod. Ang isang tunay na ministro ay dapat kabilang sa mabubuting lingkod ni Cristo. Kapag ang isang ministro ay mabait o maamo ang panglabas na kaanyuan ay naituturing agad siya ng iba na mabuting lingkod ng Diyos. Ang totoo, kapag ang tao ay nasa loob ng ministeryo, ang tingin agad (o pag-asa) ng mga kapatid, siya ay isang mabuting lingkod ni Cristo kaya labis agad ang kanilang tiwala sa kaniya. Subalit, sino nga ba ang mabuting lingkod ni Cristo? Ano-ano ang mga katangiang taglay niya? Ang hindi nagtataglay ng mga sumusunod na katangian ay hindi mabuting lingkod ni Cristo Jesus.

Ayon kay Apostol Pablo, ang “mabuting lingkod ni Cristo Jesus” ay ang nagtuturo at nagpapatupad ng mga tagubilin at aral sa mga kapatid. Kaya hindi sapat na ang ministro ay nakapagtuturo lamang. Kailangang matiyak niya na ang kaniyang itinuturo ay ganap na natutupad ng kaniyang mga tinuruan subalit upang siya ay maging mabisa sa Iglesia ay siya ang unang dapat na makitang buong pananampalataya at pag-ibig na nagsasagawa o tumutupad sa mga tagubilin at aral tulad ng mababasa sa I Tim. 5:21 MB: “Sa harapan ng Diyos at ni Cristo Jesus at ng kanyang mga anghel, inuutos kong isagawa mo ang mga tagubiling ito nang walang kinikilingan o itinatangi.” Mga halimbawa:

 

incdefenders.org_.-331676Kung itinuturo ng isang ministro sa Iglesia na ibigin ang kapatiran, ay siya ang unang dapat magpakita ng dalisay na pagmamahal at pagmamalasakit sa mga kapatid. Kapag ang kapatid ay nagkasala, hindi ang nasa isipan agad ng ministro ay ang pagtitiwalag o ang pagpatay sa kaluluwa ng kapatid, kundi ang mapayuhan at magawa muna niya ang lahat ng kaparaanan upang siya ay masagip sa kapahamakan. Hindi siya mabalasik sa mga nagtatanong o kahit pa sa mga sumasalungat sa kaniya, manapa ay mahinahon niya silang itinutuwid tulad ng nakasulat sa II Tim. 2:25-26 MB: “Mahinahon niyang ituwid ang mga sumasalungat sa kanya, baka sakaling sa ganitong paraa’y bigyan sila ng Diyos ng pagkakataong magsisi’t tumalikod sa kanilang kasalanan, at malaman ang katotohanan.” Kaya nga malimit marinig ng mga ministro at mga manggagawa sa Pamamahala na ang tunay na ministro ay hindi pumapatay kundi bumubuhay. Huwag nawa na ang maging layunin ng ministro ay ang lubusan nang itakuwil ang nagkamali sapagkat mismong ang “Panginoon ay hindi nagtatakuwil magpakailanman” (Panaghoy 3:31). Kaya noon pa man ay puspusan na, hindi lamang ang gawaing pagpapalaganap kundi ang pagpapabalik-loob sa mga kapatid na nahiwalay. Muling binubuksan ang pintuan sa mga “naligaw” na tupad sa halip na ito ay lubusang isara at kandaduhan pa.

Kung itinuturo natin sa kanila na makipagkaisa sa Pamamahala sa panawagang “lubusang pagbabagong-buhay” at huwag masumpungan sa ano mang gawa ng kadiliman tulad ng pakikiapid, paglalasing, kasakiman at katiwalian, ay tayo ang unang dapat magbigay ng magandang halimbawa sa kanila (leadership by example). Kaya nga ang Pamamahala mula pa nang una ay iniingatan na madungisan natin ang ministeryo. Ito ang dahilan kaya tayo ay pinagbabawalan nilang makialam sa mga negosyo o sa anumang pagkakakitaan ng salapi, at pinalalayo sa mga tuksong iniaalok ng mga pulitiko lalo na sa panahon ng eleksiyon, sa halip ay masiyahan na tayo sa mga biyayang ipinagkakaloob sa atin ng Diyos. Ipinaaalala nila lagi sa atin na kapag ang mga ito ay ating nilabag ay hindi lang sisira sa ating karapatan at sa kabanalan ng ministeryo, kundi maging sa banal na imahe ng Iglesia.

Hindi lamang ang mga doktrina ang itinuturo nating mga ministro. Bahagi ng “mga tagubilin” ay ang pagpapasakop o lubos na pagsunod sa mga tuntunin ng Iglesia. Kaya itinuturo natin sa mga kapatid ang lubos na paggalang sa mga tuntunin at kaayusan sa pagsamba, kabilang na ang mga patakaran sa pag-aabuloy at mga paghahandog. Sa panahon pa lang ng pagdudoktrina ay tinuturuan na natin ang mga dinuduktrinahan at mga sinusubok na sundin na ang mga tuntunin, na hindi puwede ang “shortcut” o hindi sila puwedeng bautismuhan agad kundi kailangan nilang makatapos sa doktrina, dumaan sa at matapos ang mga pagsubok, upang mapatunayan nila sa Diyos na sinsero sila sa kanilang pag-anib sa Iglesia. Itinuturo natin sa kanila na ang dapat mag-udyok sa kanila sa pag-anib sa Iglesia ay dahil sa pananampalataya (Roma 5:12) at hindi dahil sa materyal na pakinabang kundi sa layuning makalugod sa Diyos (Heb. 11:6), at maligtas sa Araw ng Paghuhukom. Itinuturo rin natin sa kanila na ang mga tuntunin sa Iglesia ay sagrado sapagkat ang mga ito ay nakasalig sa doktrina at kaya mayroon nito ay upang ang lahat ng pagtupad ng tungkulin sa Iglesia ay magawang may karapatan at may kaayusan (I Cor. 14:40). Kaya nararapat lang na tayo ang unang gumagalang at tumutupad sa mga doktrina, mga tuntunin, at mga tagubilin sa Iglesia.

Kapag tayo ay naging mabuting lingkod ng Ama at ng ating Panginoong Jesucristo, ay walang maipipintas sa atin ang Iglesia. Pati ang maliliit na alinlangan kung mayroon man ay mapapawi. Mapapanatag ang kanilang loob sapagkat alam nilang ang Iglesia ay nasa mabubuting kamay ng mga ministro at mga manggagawang may banal na takot sa Diyos, na hindi magsasamantala ni magpapabaya sa kanila, sa halip ay mag-aakay sa kanila sa kabanalan patungo sa tiyak na kaligtasan.

Pin It on Pinterest

Shares
Share This

Please Share This

Share this post with your friends!