ANG KATAPATANG INAASAHAN NG DIYOS SA KANIYANG MGA MINISTRO

Narito po ang isa sa mga lektura na itinuro ng kapatid na Eraño G. Manalo.  Minarapat ko pong ibahagi sa inyo upang lalo nating maunawaan ang mga kalooban ng ating Panginoong Diyos na dapat nating sundin.

 

Marami tayong dapat husayin sa Iglesia.  Kaya tuwing klase ay tumatanggap tayo ng mga tagubilin at ng mga tuntunin tungkol sa pagpapalaganap, sa pagdalaw sa mahihinang kapatid, sa mga dapat bautismuhan, sa mga sinusubok, pati sa kalinisan at kaayusan ng mga bahay sambahan, gayundin sa pagsaway sa mga gumagawa ng kasalanan o tungkol sa pagbabagong-buhay.  Ang lahat ng iyan ay dapat na salitain ng isang ministro nang buong giting at buong tapang.  Paano natin magagawa iyan?

Gaano bang pagtatapat sa Diyos ang inaasahan Niya sa mga tunay Niyang ministro?

I Samuel 2:35

 “At ako’y magbabangon para sa akin ng isang tapat na saserdote, na gagawa ng ayon sa nasa aking puso at nasa aking pagiisip: at ipagtatayo ko siya ng isang panatag na sangbahayan; at siya’y lalakad sa harap ng aking pinahiran ng langis, magpakailan man.”

Sinong ministro ang tapat sa Diyos, mapagkakatiwalaan, at karapat-dapat na mapaglagakan ng mga tagubilin?  Ang tapat na saserdote o lingkod na gagawa nang ayon sa nasa puso at pag-iisip ng Diyos.  Ito ang kaibayo ng mga nagsasariling kalooban at ng mga ministrong may sariling pamamalakad sa Iglesia.  Iyan ang binabaka natin ngayon.  Nang tayo’y magministro, pumasok tayo sa isang kasunduan sa Diyos.  Hindi tayo absoluto at lalo namang hindi tayo ang may-ari sa Iglesia; hindi rin tayo ang nagpapalakad sa Iglesia.  Tayo ay mga kasangkapan lamang; ang pamamalakad ay nanggagaling sa Diyos.

Ngunit sinong ministro ang makagagawang palakarin ang Iglesia nang ayon sa pamamalakad ng Diyos?  Ang ministrong tapat.  Ang gumagawa nang ayon sa nasa ng Diyos sa Kaniyang puso at isipan.

Anong paninindigan ang hinahanap ng Diyos sa ministro sa pangangasiwa Niya sa bayan ng Diyos?

Isaias 58:1

“Humiyaw ka ng malakas, huwag kang magpigil, ilakas mo ang iyong tinig na parang pakakak, at iyong ipahayag sa aking bayan ang kanilang pagsalangsang, at sa sangbahayan ni Jacob ang kanilang mga kasalanan.”

Ang paninindigang dapat taglayin sa pangangasiwa sa bayan ng Diyos ay yaong hindi kayang pigilin.  Ang sabi ng Diyos ay “Humiyaw ka ng malakas, huwag kang magpigil, ipahayag mo sa bayan ang kanilang pagsalangsang.”

Kalaban ng Panginoong Diyos ang sinumang sasagasa sa Kaniyang kagustuhan.  Tungkulin ng ministrong ipahayag at huwag pigilin ang kaniyang dila na maipahayag sa bayan ng Diyos ang mga mali nilang gawa.  Sila ang kinakasangkapan ng Diyos para kaniyang sagasaan at salungain ang pagsalangsang ng mga tao.  Lumilikha ang ministro ng mga lingkod ng Diyos na angkop na tumahan sa Bayang Banal.  Iyan ang magiting na ministro.

Ano ang isa sa mga dapat nating bakahin na katiwalian ng mga tao ng Diyos sa Kaniyang bayan?

Isaias 58:1-2 MB

 “Sinabi ni Yahweh, ‘Ikaw ay sumigaw ng ubos-lakas, Ang sala ng bayan ko sa kanila’y ihayag.  Sinasamba ako, Kunwa’y hinahanap, sinusundan-sundan, Parang natutuwang ang kalooban ko’y kanilang malaman; ibig palabasin na ang gawain nila ay matuwid, At di lumilihis sa mga tuntuning aking ibinigay, Wari’y natutuwang sa aki’y sumamba.  At ang hinihingi’y hatol na matuwid.”

Ano ang isa sa mga dapat nating bakahin?  Ang pagkukunwari.  Kunwari ay sumasamba, kunwari ay nakikinig sa mga kautusan ng Diyos.  Ngunit hindi naman sumusunod.

Samakatuwid, may mga tao na sa anyo ay waring totoong-totoo.  Animo ay banal na banal.  Ang tunay na ministro ay matalas ang pakiramdam sa mga bagay na iyan.  Alam niya kung sino ang maytungkulin na ang nais lamang ay karangalan.  Alam niya kung sinong kapatid ang nauuwi na sa rituwal ang pagsunod.  Alam niya kung ang kanilang pagsamba ay nahuhulog na sa seremonya – walang buhay, walang sigla.  Ang Diyos ay hindi nasisiyahan sa mga gayon.

Kaya, sino ang magtutuwid sa ganoong mga kapatid?  Tayong mga ministro.  Kailangan natin ang isang matalas na pakiramdam, isang bibig na hindi nasasarhan, isang ugaling mapunahin ng buong kahinahunan, at katapatan sa Diyos.  Ang Diyos ay hindi nasisiyahan sa kaanib sa Iglesia na balatkayo at pakunwari ang paglilingkod sa Kaniya.

Ano ang mabuting ibubunga kung bakahin natin ang kasalanan ng bayan, ang kanilang mga pagkukunwari at pagsalangsang?  Ano ang nagagawa natin para sa bayan ng Diyos?

Isaias 58:9

 “Kung magkagayo’y tatawag ka, at ang Panginoon ay sasagot; ikaw ay dadaing, at siya’y magsasabi, Narito Ako.  Kung iyong alisin sa gitna mo ang atang, ang pagtuturo, at ang pagsasalita ng masama.”

Kailan sasagutin ng Diyos ang ating panalangin at daing?  Kapag inalis natin ang atang o kasalanan.  Kaya ang sabi ni Propeta Isaias, saka lamang tayo sasagutin ng Diyos kung inalis na natin ang kasalanan.  Kung gayon, malaki ang naitutulong natin sa Iglesia sa ikalalapit nila sa Diyos.  Kaya, lakasan natin ang ating loob sa pagpuna, sa pagbaka sa lahat ng mga kalikuan na nakikita nating ginagawa ng kahit sino sa bayan ng Diyos.

Bakit kapag inalis ng tao ang atang o kasalanan ay saka lamang siya sasagutin ng Diyos?

Isaias 58:8

 “Kung magkagayo’y sisikat ang iyong liwanag na parang umaga, at ang iyong kagalingan ay biglang lilitaw; at ang iyong katuwiran ay mangunguna sa iyo; ang kaluwalhatian ng Panginoon ay magiging iyong bantay likod.”

 

Ano ang kabutihan kapag naalis na ang kasalanan sa buhay ng tao, kapag naalis ang lahat ng karumihan at atang?  Sisilang ang kaniyang liwanag.  Ang sinabi rito na liwanag, katuwiran, at kaningningan ay ang katumbas ng banal, walang dungis, walang kulubot.  Iyon ang nasa uring maliligtas.  Hindi ang napaloob lamang sa Iglesia na ang gusto pa rin niya ang nasusunod o ang mga tao na ang pagsamba ay rituwal lamang.  Ang tunay na maliligtas ay yaong nalikha.  Lumilikha tayo ng mga taong nasa uring maliligtas.

Ano ang pangako ng Diyos kapag ito ay naisagawa natin sa Iglesia?

Isaias 58:11 MB

At akong si Yahweh Ang siyang sa inyo’y laging papatnubay, Lahat ng mabuting kailangan ninyo’y Aking ibibigay, at palalakasin ang inyong katawan.  Kayo’y matutulad sa pananim na sagana sa dilig, Matutulad sa batis na di nawawalan ng agos ng tubig.”

Ang lahat ng kailangan ninyo ay ibibigay ng Diyos.  Ang Panginoong Diyos ang papatnubay sa inyo.

Lubhang naghihirap ang buhay ng tao ngayon lalo na sa Pilipinas.  Ang sinasabi kong ito ay makararating kahit sa ibang bansa.  Maaaring iba ang problema nila roon, permissiveness, kalayawan, ang labis na pagkagumon sa hanapbuhay.  Iisa ang konklusyon: napababayaan ang paglilingkod sa Diyos.  Ang lahat ng mga suliraning dinaranas ng bayan ng Diyos ay malulutas kung kasama natin ang Diyos.

Ngunit kailan Siya sasama?  Kapag isinaayos natin ang Kaniyang bayan.  Paano natin sila isasaayos?  Alisin natin ang mga katiwalian, alisin natin ang mga pagsalangsang, alisin natin ang mga masasamang gawa ng mga kapatid, ang hindi nila pagsunod sa mga tagubilin at tuntunin, lalo na sa mga aral ng Diyos.  Huwag tayong susuko doon sa mga lokal na ang mga maytungkulin ay napakahirap pasunurin.  Ang tunay na ministro ay may patnubay at pagkalinga ng Diyos.

Ano ang dapat gawin ng mga ministro kapag ang kaniyang mga kaharap ay mga mapaghimagsik at mga sumasalungat?  Dapat pa ba siyang magtapat?

Ezekiel 2:6-7 MB

Huwag kang matatakot sa kanila kahit ka nila pagbantaan, kahit na paligiran ka nila na waring nakaupo ka sa gitna ng mga alakdan.  Huwag ka ngang masisindak sa kanila bagamat sila’y talagang mapaghimagsik.   Sa makinig sila o sa hindi, sabihin mo sa kanila ang ipinasasabi ko sa iyo, pagkat sila’y talagang mapaghimagsik.”

Iyan ang kasalanan ni Jonas.  Kaya ayaw niyang sabihin ang ipinasasabi ng Diyos ay baka raw baguhin ng Diyos ang pasiya at maging sinungaling siya.  Ang sabi ng Diyos, “sa makinig o sa hindi” – wala na tayong pakialam doon.  Ang pakialaman natin ay salitain ang Kaniyang mga tagubilin kahit sa gitna ng mga sumasalungat at mapaghimagsik.  Kahit  “sa gitna ng mga alakdan.”

Hindi tayo isusubo ng Panginoon.  Sasamahan Niya tayo saan man tayo pumaroon.

Iisa lamang ang hinahangad ng Diyos.  Makarating ang tagubilin at salita Niya sa kinauukulan sa pamamagitan ng matapang, magiting, at tapat na ministro.

Gaano naman katapang ang isang ministro kapag siya ay inuutusan ng Diyos?

Jeremias 1:18-19 MB

Pakinggan mong mabuti ito, Jeremias!  Ang bawat isa sa lupaing ito – ang mga hari ng Juda, ang mga pinuno, ang mga saserdote, at ang buong bayan – ay sasalungat sa iyo.  Ngunit gagawin kitang sintibay ng isang lunsod na naliligid ng mga muog, sintatag ng haliging bakal, o pader na tanso.  Hindi ka nila matatalo sapagkat ako ang mag-iingat sa iyo.  Akong si Yahweh ang nagsasabi nito.”

Walang kinatatakutan na anuman o sinoman ang ministro kapag siya ay inuutusan ng Diyos.  Kahit na papuntahin pa siya o makarating pa sa mapanganib na lugar ay wala siyang kinatatakutan dahil kasama niya ang Diyos.

Hindi sinabi ng Diyos:  “Ang mga hari, ang mga pinuno, ang mga saserdote, ang mga tao roon ay tututulan ka, huwag ka ng tumuloy.”  Hindi!  Ang misyon ay misyon.  Ang pasugo ay pasugo.  Ang sabi nga ng Diyos, “Sa makinig sila o sa hindi, sabihin mo ang ipinasasabi Ko sa iyo.”  Ano ang pagbabatayan ng Diyos para hatulan ang mga taong iyon kung wala ka namang sinasabi?

Nguni’t tingnan ninyo ang ginawa ng Diyos sa ministro o sa lingkod Niya para lamang masalita nila nang buong tapang ang ipinasasabi Niya.  Kapag matapang ang ministro at may prinsipyo, may kumbiksyon sa simulaing itinataguyod, ay hindi maaaring talunin.  Tingnan natin ang nangyari sa Sugo at sa Iglesia.  Kung natakot ang Sugo sa umpisa, wala tayong aabutang Iglesia.  Kaya, napakalaking utang na loob natin sa Diyos sa pagsusugo Niya ng isang sugong matapang sa paninindigan.  Kaya huwag tayong matatakot.

Ano ang pangako ng Diyos para matupad ang sinasabi Niya na hindi matatalo ang mga lingkod Niya?

Jeremias 15:20-21 MB

Sa harapan ng mga taong ito’y gagawin kitang isang matibay na pader na tanso.  Makikipaglaban sila sa iyo, ngunit hindi ka nila matatalo.  Sasaiyo ako upang ikaw’y pangalagaan at ingatan.   Ililigtas kita sa kamay ng masasama, at ingatan laban sa mararahas.”

Pananalig na ang kailangan dito.  Ang sabi ng Diyos, “sasaiyo Ako upang ikaw ay ingatan at alagaan.”  Ako ay naniniwala na napakitindi ng pagtitiwala ng Sugo sa pananalita ng hula.  Mababakas naman natin, lalo na ng mga inabot ng pagtuturo ng Sugo, kung paano niya ito ipinangaral sa atin.  Nguni’t paano naman tayo?  Wala ba tayong pangako?  Mayroon.  Ang buong Iglesia ay kasama sa pangakong ito tulad ng pangako kay Jeremias na “Sasamahan Kita, iingatan Kita, aalagaan Kita.”  kaya matibay.  Mayroon bang makapagbubuwal sa Diyos?  Ang sabi nga ni Apostol Pablo ay kung ang Diyos ay nasa atin ay walang mananaig na kalaban.

Kaya ano ang magiging sagutin sa Diyos ng ministro kapag hindi niya sinabi ang ipinasasabi ng Diyos?

Ezekiel 33:7-9 MB

Ikaw, Tao, ang ginagawa kong bantay ng Israel; anumang marinig mo sa akin ay sabihin mo sa kanila bilang babala.  Kapag sinabi ko sa taong masama na siya’y mamamatay at di mo ito ipinaabot sa kanya upang makapagbagong-buhay, mamamatay nga siya sa kanyang kasamaan ngunit pananagutan mo ang kanyang kamatayan.  Ngunit kapag binabalaan mo ang masama gayunma’y hindi rin nagbagong-buhay, mamamatay siyang makasalanan ngunit wala kang dapat panagutan.”

Malaki pala ang kinalaman nito sa ating kaligtasan.  Hindi pala tayo maliligtas dahil lamang sa napaanib tayo sa iglesia o nakatanggap ng tungkuling, o naging ministro.  Hindi pala sapat iyon.  Ano ang batayan sa ating kaligtasan?   Kung sinabi mo ang ipinasasabi sa iyo − nagbago man ang pinababalaan sa iyo o hindi.  Kung hindi siya nagbago, mananagot siya at libre ka na.  Nguni’t kung hindi mo sinabi sa kaniya kaya hindi siya nagbago, parurusahan siya pati ikaw.

Ano ba ang isa sa ipinasasabi ng Diyos?

Ezekiel 33:10-14 MB

Sinabi sa akin ni Yahweh, “Tao, sabihin mo sa mga Israelita ang inuulitulit nilang sila’y nagumon na sa kasamaan kaya hindi na sila mabubuhay.   Sabihin mong ipinasasabi ko na akong si Yahweh, ang buhay na Diyos, ay hindi natutuwa na ang sinuma’y mamatay sa kanyang kasamaan; ibig kong siya’y magbagong-buhay.  Sabihin mo ngang magbagong-buhay sila pagkat di sila dapat mamatay sa kanilang kasamaan.  Tao, sabihin mo rin sa iyong mga kababayan na ang dating kabutihan ng matuwid ay hindi makapagliligtas sa kanila kung magpakasama sila.  Kung ang masama ay magpakabuti, hindi siya parurusahan.  Ngunit kung ang mabuti ay magpakasama, parurusahan siya.   Sinabi ko nga na ang matuwid ay mabubuhay ngunit kapag nanghawak siya sa kanyang kabutihan at nagpakasama, mawawalan ng kabuluhan ang kanyang kabutihan; mamamatay siya sa kasamaang kanyang ginawa. Tungkol sa masama, sinabi kong siya ay mamamatay.”

Bakas na bakas dito ang pag-ibig ng Diyos.  Hindi basta nagbigay siya ng penal code na ang nandoon lamang ay ang parusa at hindi naman sinasabi na gusto ng Diyos na sila ay magbagong-buhay at mabuhay.  Ang Diyos ay iba.  Sinabi man Niya ang parusa at ang mapait na sasapitin ng taong ayaw magbagong-buhay, nguni’t ang hangarin Niya ay naroon: Ang tao ay maligtas.

Kung gayon, ang pinakamatindi sa Diyos ay ang pagbabagong-buhay.  Kaya, diyan tayo tinatawagan ng pansin, pati na ang mga ministrong nangangasiwa sa mga lokal, na linisin ang Iglesia.  Linisin natin ang kapulungan ng mga maytungkulin.  Linisin natin ang kapulungan ng mga ministro sa mga taong tiwali.  Paano natin magagawa iyon?  Pagsalitaan natin sila.  Paalalahanan sa mga mali nilang gawa.

Gaano ba kaningning ang hinahanap ng Diyos na maging uri ng Iglesia?

Isaias 62:1,6

Dahil sa Sion ay hindi ako tatahimik, at dahil sa Jerusalem ay hindi ako magpapahinga, hanggang sa ang kaniyang katuwiran ay lumitaw na parang ningning, at ang kaniyang kaligtasan ay parang ilawan na nagniningas.”

Ako’y naglagay ng mga bantay sa iyong mga kuta, Oh Jerusalem; sila’y hindi magsisitahimik kailan man sa araw o sa gabi: kayong mga mapag-alaala sa Panginoon, huwag kayong mangagpahinga.”

Samakatuwid ay kinikinis ang kaligtasan.  Pagka-ahon mo sa tubig na kung saan ka nabautismuhan ay, oo nga bagong–buhay ka na, pero kakapitan ka kaagad ng kung anu-anong bagay.  Ang ministro naman ang kinis nang kinis.  Hangga’t hindi lumilitaw ang orihinal na ningning, kumbaga sa ginto, ay hindi maliligtas iyon.  Iyan nga ang sinasabi sa atin na kalagayang dapat marating ng iglesia:  Banal, walang dungis, walang kapintasan.  Wala kahit anong kulubot.

Ang may trabaho niyan ay ang Panginoong Diyos sa pamamagitan ng Kaniyang mga ministro na magigiting sa pagdadala ng tungkulin.  Mga ministrong matapang na naninindigan sa Kaniyang mga kautusan at tuntunin. Hindi siya papayag na ikompromiso o isuko ito sa anoman at kaninoman.  Kaya tapat na tumutupad at nagpapatupad ng mga utos ng Diyos at hindi natatakot kahit gaano karami pa ang sumasalangsang sa kaniya.  Sapagkat ang kaniyang paninindigan at prinsipyo na tunay na mahalaga sa harap ng Diyos, hindi ang sinomang tao ang kaniyang pinaglilingkuran o binibigyan ng kaluguran kundi ang Panginoong Diyos.

Tulungan nawa tayo ng ating Panginoong Diyos upang mapagtagumpayan natin ang mga pagsubok ngayon sa Iglesia.

Lalong lalo na sa panahong ito sa mga huling araw.  Dinadalisay ng husto ang ating pananampalataya, kung hindi matatag at matibay sa pananampalataya ay mabubuwal.

Manalangin tayong palagi ng taimtim sa ating Panginoong Diyos. Ito ang hinahanap Niya sa atin, ang dumalangin sa Kaniya upang hingin ang Kaniyang awa.  Sa ganito lamang natin magagawang pagtagumpayan ang mga pagsubok na dumaraan sa ating buhay.

 

Minister of the Gospel

Pin It on Pinterest

Shares
Share This

Please Share This

Share this post with your friends!