Ang Kaluwalhatiang Marapat Maabot

Ang Kaluwahaltiang Marapat Maabot ng Iglesia Upang Maangkop Sa Pagharap Kay Cristo sa Muling Pagparito Niya

 

Inaasahan ng mga tunay na sugo ng Diyos na ang Iglesia ni Cristo ay maiharap nila kay Cristo na maluwalhati sa muling pagparito Niya. Ang kaluwalhatiang tinutukoy ay ang kaluwahatiang dulot ng matuwid o banal na pamumuhay ng mga kaanib at hindi ang pisikal o materiyal na kaluwalhatiang natamo, narating o naabot ng Iglesia sa mundong ito.  Kaya ang pangunahing pinagsisikapan ng mga tunay na lider ay ang maiharap nila kay Cristo ang Iglesia na walang dungis o kulubot o anomang kapintasan (Efeso 5:25-27).

Ang Iglesia ay itinulad sa dalagang malinis na nakatalagang ikasal o ipakisama kay Cristo sa Kaniyang muling pagparito (II Corinto 11:2). Katulad ng karaniwang pagkakasal ang lalaki at babaeng ikakasal ay kapuwa naghahanda.  Si Cristo ay banal sapagkat Siya’y pinabanal ng Ama (Juan 10:36) kaya marapat lamang na ang Iglesia ay maiharap sa Kaniya na banal o malinis din. Si Cristo rin ang nagpabanal o luminis sa Iglesia sa pamamagitan ng Kaniyang dugo (Hebreo 9:14). Ang Iglesia ni Cristo ang tinubos ng dugo ng Panginoong Jesucristo (Gawa 20:28 Lamsa).

Ang kasalan o pagsasama  ni Cristo at ng Iglesia ay hindi pangkaraniwan dahil ito ay nakatakdang maganap  sa kaharian ng Diyos sa langit sa muling pagparito ni Cristo. Subalit bago maganap ang pagkakasal o pagsasamang iyon  ay may bahaging gagampanan ang babae o ang Iglesia sa pangunguna ng lider o bantay na inilagay ng Diyos upang maiharap kay Cristo  na maluwalhati, walang dungis o kulubot o anomang kapintasan. Ito ang pagsusuot  ng damit na angkop sa kasal ng Cordero, ang mahalagang lino na makintab at tunay, na ang tinutukoy ay ang mga matuwid na gawa ng mga banal (Apocalipsis 19:7-8). Ito rin ang mga gawa na pinaputi sa dugo ng Cordero o ni Cristo (Apocalipsis 7:13-14). Tinitiyak na Biblia na mapalad ang nangaghugas ng kanilang damit, o nabuhay ng matuwid o banal, sapagkat sila ang papasok sa kaharian ng langit at may karapatan sa punongkahoy ng buhay o sa pagtatamo ng buhay na walang hanggan (Apoc. 22:14).

Batay sa mga talatang ito ng Biblia, totoong mahalaga na maging bahagi o kaanib ng Iglesia ni Cristo. Ang Iglesia ang nakatalagang iharap kay Cristo upang makasama Niya sa kaharian ng langit magpakailanman man. Subalit hindi sapat na mapaanib at manatiling kaanib lamang sa Iglesia. Ang lalong mahalagang  matiyak ng bawat kaanib ay kung karapat-dapat siyang humarap kay Cristo sa muling pagparito Niya. Dapat niyang matiyak na ang kaniyang mga gawa ay matuwid o banal, sapagkat kung hindi ay tiniyak din ng Biblia na hindi papasok sa kaharian  o sa dako ng kasalan ang anomang bagay na karumaldumal o kasuklam-suklam (Apocalipsis 21:27). Hindi ang kaluwalhatiang natamo ng Iglesia sa daigdig na ito ang ikapapasok sa kaharian ng langit, kundi ang matuwid o malinis na pamumuhay ng mga kaanib na binanal o tinubos ng dugo ni Cristo. Tiniyak ni Cristo na walang mapapakinabang ang sinoman kung matamo man niya ang buong sanlibutan kung mapapahamak naman ang kaniyang buhay (Marcos 8:36).  

Walang pagtatalo na ang Iglesia ni Cristo na lumitaw sa Pilipinas, na bunga ng pangangaral ng sugo ng Diyos sa mga huling araw, si kapatid na Felix Y. Manalo ang siyang tunay na Iglesia ngayon. Ito ang nasakop ng pagtubos na ginawa ni Cristo, samakatuwid ay siyang  nabanal at nalinis. Nagawa na ni Cristo ang Kaniyang bahagi para banalin ang Iglesia, nang ihandog Niya ang Kaniyang mahalagang buhay. Ang bahagi ng mga kaanib sa Iglesia  upang mapanatili o maingatan ang kabanalang dulot ng pagtubos ay ang iangkop ang kaniyang sarili sa kabanalan ng dugong ipinantubos at ng Iglesiang tinubos. Kapagka hindi naiangkop ninoman ang kaniyang sarili sa kabanalan ni Cristo at ng Iglesia, sa halip ay nabuhay siya sa kasalanan o karumihan na kasuklam-suklam sa paningin ng Diyos ay tiyak na hindi rin siya makakasamang iharap kay Cristo sa muli Niyang pagparito kahit naging kaanib pa siya sa Iglesia.

    Sa uri ng pagka-Iglesia ni Cristo o pagdadala ng buhay may suliranin ang maraming  kaanib ngayon. Dahil sa iba’t ibang kapakanan sa buhay na ito ay naisasakripisyo na ng marami ang kalinisan at kabanalan ng kanilang pagka-Iglesia ni Cristo. Subalit hindi lamang ito ang suliranin, ang lalong malaking suliranin ay hindi namamalayan ng marami na  hindi na nila naiingatan ang kabanalan ng kanilang pagka-Iglesia ni Cristo. Katumbas din ng hindi nila napaghahandaan ang muling pagparito ni Cristo, magkagayon man ay lubos silang umaasa na sasalubong sila kay Cristo dahil kaanib sila sa Iglesia ni Cristo. Kuntento na ang marami na kaanib lang sila pero ang tunay na paghahanda sa muling pagparito ni Cristo ay hindi nila naisasagawa. Ang pag-anib sa Iglesia ay unang hakbang lamang upang ang tao ay magkaroon ng pagkakataon o pribilehiyo na humarap kay Cristo sa muli Niyang pagparito subalit ang lulubos nito ay kung maiaangkop niya ang kaniyang sarili sa kabanalan ng Iglesia, sa pamamagitan ng banal o matuwid na pamumuhay.

    Taliwas sa ginawa ng mga naunang namahala sa Iglesia, ang mas pinagbubuti ng kasalukuyang pamamahala ay ang pagtatamo ng kaluwalhatiang panlupa kaysa kaluwalhatiang maghahatid sa Iglesia sa uring karapat-dapat iharap kay Cristo sa muli Niyang pagparito. Ang mas nakasisiya at siyang pinapagpaparangalan ng kasalukuyang pamamahala ay ang dami ng kanilang mga nagawa sa pisikal o materiyal na kapakanan ng Iglesia, segundaryo na lang ang ukol sa kalinisan o kabanalan, na siyang lalong mahalaga dahil ito ang maghahatid sa mga kapatid sa uring karapat-dapat iharap kay Cristo.

Ang madalas na marinig ng mga kapatid ngayon ay ang marami’t malalaking “accomplishments”  o “achievements” ng Iglesia sa ilalim ng pangunguna ng kasalukuyang pamamahala kung ihahambing sa nagawa ng mga naunang namahala. Ang ilan sa mga ito ay ang mas maraming bilang ng mga naipatayong gusaling sambahan, mas maraming mga lokal at mga distritong naitatatag, mas maraming mga namimisyon, nadodoktrinahan at napapabautismuhan, mas maraming nahihikayat na mag-aral sa pagka-ministro, at marami pang iba,  na binibigyan pa ng diin na ang mga ito ay nagawa sa loob lamang ng maikling panahon. Pero ang itinuturing nilang pinakamalaking “accomplishment” o “achievement” ay ang pagpapatayo ng largest indoor arena, ang Philippine Arena at ang mga natamong GuinessWorld Records at iba pang recognition at awards sa iba’t ibang larangan.

Hindi namin sinasabi na masama na matamo ng Iglesia ang kaluwalhatiang pisikal o materiyal subalit hindi iyon ang ultimong kapakanan  na dapat maisakatuparan o matamo ng Iglesia, kundi ang kaluwalhatiang bunga ng malinis at matuwid na gawa o lakad ng pamumuhay. Ito ang lalong dapat  ikarangal o ipagmapuri ng mga kaanib sa Iglesia. Sa kapakanang ito ng Iglesia nagkulang ang  kasalukuyang pamamahala. Hindi nila tiniyak na ang bawat kaanib, ang bawat  manggagawa at ministro, ang mga pangunahin nilang katuwang, lalo na ang kanilang sarili, kung nabubuhay na ng matuwid at banal, sapagkat kung tiniyak nila gaya ng pinagsikapang gawin ng mga naunang namahala noong sila’y nabubuhay pa ay hindi sana umiral ang korapsyon na pinag-ugatan ng lahat ng suliranin na patuloy na sumisira sa kalinisan at kabanalan ng Iglesia ngayon.Hayag na hayag na sa buong Iglesia ang masasamang bunga ng korapsyon, gayonman ay patuloy pa ring ikinakaila ng kasalukuyang pamamahala na may umiiral na korapsyon. Sa halip na sawayin at sawatain ang mga gumagawa ng kasamaan upang makapagbago, ang mga naghayag pa ng  korapsyon ang binantaan, itinitiwalag at ginipit, na lalong nagpasidhi sa masamang kalagayan ng Iglesia. 

Wala nga bang korapsyon sa Iglesia? Ano ba ng tinatawag na korapsyon? Alang-alang sa mga nagsasabing walang korapsyon, narito ang depinisyon ng mga talatinigan sa salitang korapsyon.

Corruption is a form of dishonest or unethical conduct by a person entrusted with a position of authority, often to acquire personal benefit. Corruption may include many activities including bribery and embezzlement.    Wikepedia, the free encyclopedia.

Bribery is the offering, giving, receiving, or soliciting of something of value for the purpose of influencing the action of an official in the discharge of his or her public or legal duties. Regardless of who initiates the deal, either party to an act of bribery can be found guilty of the crime independently of the other. A bribe can consist of immediate cash or personal favors, a promise of later payment, or anything else the recipient views a valuable.    The Free Dictionary.com

Embezzlement is the fraudulent conversion of another’s property by a person who is in a position of trust, such as agent or employee.    The Free Dictionary by FARLEX

Corruption is dishonest action that destroys people’s trust.    Vocabulary.com

Kung wala ang mga elemento ng korapsyon ay wala ngang umiiral na korapsyon sa Iglesia. Subalit kung naroon at pagkatapos ay sasabihing walang korapsyon ay pagkakaila o pagtatakip lamang ang pagpapahayag na iyon. Batay sa mga depinisyong ito, may korapsyon kapagka ang isang taong pinagtiwalaan o humahawak ng mataas na posisyon o  tungkulin ay 1) sumira sa kaniyang katapatan sa tungkulin dahil sa pansariling interes o pakinabang; 2) nag-alok, nagbigay, tumanggap, nangilak ng anomang bagay na may halaga, katulad ng salapi, propriedad, pabor, pangako upang maka-impluwensiya sa iba o maimpluwensiyahan ng iba sa pagganap ng tungkulin; 3)  sumira sa pagtitiwala ng kapuwa at ng magandang reputasyon.

    Kung “tulong” lamang na galing sa abuloy o handog ng Iglesia ang pagbabatayan, masasabing walang ipangluluho ang pamilya ng ministro sapagkat sapat lamang sa pangangailan ng pamilya at sa pagtupad ng tungkulin ang kanilang tinatanggap. Kung marangya at nakapagluluho sa buhay ang pamilya ng ministro, ang tunay na lider o bantay na nagmamalasakit ay hindi magsasawalang-kibo kundi gagawa siya ng hakbang upang matiyak na hindi nahuhulog sa anomang uri ng korapsyon ang sinoman sa kaniyang nasasakupan lalo na ang kaniyang mga mga katuwang. Hindi tunay na nagmamalasakit ang lider na nananahimik gayong dapat nang magsalita at sumaway.

Subalit ang korapsyon ay hindi lamang sa mga bagay na sangkot ang salapi o iba pang bagay na may halaga.  May iba pang uri ng korapsyon na binabanggit ang Biblia na  nasumpungan ng Diyos sa unang bayan Niya. Ito ang kabulukan sa moral (moral corruption) ng Israel na nag-ugat sa kapabayaan ng mga bantay na inilagay ng Diyos.  Ganito ang mababasa sa Mikas 7:2-6 ng Magandang Balita Biblia: Napawi na sa lupain ang lahat ng tapat sa Diyos, wala nang natitirang matuwid, ang lahat ay nag-aabang ng mapapatay, bawat isa’y naghahanda ng bitag laban sa kapuwa, bihasa sila sa paggawa ng kasamaan, ang pinuno at hukom ay humihingi ng suhol, kasabuwat nila sa paggawa ng masama ang mga kinikilalang tao ng bansa, ang pinakamabuti sa kanila’y parang mga dawag, parang tinik, kahit kaibigan at asawa ay hindi na mapagtiwalaan, nilalapastangan ng anak na lalaki ang ama, at lumalaban ang anak na babae sa kaniyang ina, inaaway ng manugang na babae ang kaniyang biyenang babae, anupat ang kaaway ng isang tao’y ang kaniya mismong kasambahay. Sa nangyaring ito sa Israel, itinakda ng Diyos ang pagpaparusa sa inilagay Niyang mga bantay, darating ang araw ng kanilang pagkapahiya.

Ano sa mga korapsyong nasumpungan ng Diyos sa Israel ang hindi nasusumpungan ngayon sa Iglesia ni Cristo na siyang bayan ng Diyos sa mga huling araw? Tiniyak ng Biblia na pananagutin ng Diyos ang mga bantay na inilagay Niya na hinayaang umiral ang kabulukan sa moral o anomang uri ng korapsyon sa bayan Niya.

    Kung tunay na kinikilala ng kasalukuyang namamahala na ang Iglesia ni Cristo ang bayan ng Diyos sa mga huling araw at siya ang lider o bantay na inilagay, nananagot siya na sawatain ang korapsyon na umiiral ngayon sa Iglesia. Kung hindi siya kikilos ay para niyang sinabing walang korapsyon sa Iglesia kahit sa katotohanan ay mayroon, at hindi siya naniniwala na bayan ng Diyos ang Iglesia ni Cristo, at hindi rin siya naniniwala na siya ang lider o bantay na inilagay ng Diyos sa Kaniyang bayan, at lalong hindi siya naniniwala na papananagutin at ipapahiya siya ng Diyos pagdating ng takdang araw.

    Bago pa mahuli ang lahat ay dapat bumalikwas ang mga lider o bantay sa Iglesia ni Cristo ngayon. Napakalapit na ng araw ng muling pagparito ni Cristo upang kunin ang Iglesia, baka sila pa maiwan at makasamang mapahiya at mahatulan.  Ang tiniyak lamang na haharap sa Kaniya at makakasama Niya magpakailanman sa Kaharian ng Diyos sa langit ay ang mga nakarating sa maluwalhating kalagayan, ang mga kaanib sa Iglesia ni Cristo na nabuhay ng malinis at matuwid, na  walang dungis o kulubot o anomang kapintasan sa paningin ni Cristo at ng Ama.

     Maituturing na  hindi nasayang o hindi nawalan ng kabuluhan ang pagpapagal ng lider o bantay na inilagay ng Diyos sa Kaniyang bayan kung naihanda niya ang bawat kapatid sa uring karapat-dapat iharap kay Cristo sa muling pagparito Niya. Nagawa ng kapatid na Felix Y. Manalo iyon noong siya’y nabubuhay pa, nagawa rin iyon ng kapatid na Eraño G. Manalo sa panahon ng pamamahala niya, nagagawa ba ng kasalukuyang pamamahala ang marapat na paghahanda sa mga kapatid para maiharap kay Cristo sa muling pagparito Niya? Ako, kayo, tayo higit sa lahat ay si Cristo at ang Ama ang nakakasaksi kung ano ang nangyayari sa Iglesia ni Cristo ngayon sa ilalim ng kasalukuyang pamamahala. Maawa nawa ang Ama na makabalik pa ang Iglesia sa dati nitong banal at maluwalhating kalagayan upang ganap na mahanda ang bawat kapatid sa nalalapit na araw ng kaligtasan.

Pin It on Pinterest

Shares
Share This

Please Share This

Share this post with your friends!